Ipinaliliwanag ni Abogado Jesus Ricardo Degala ng Integrated Bar of the Philippines-Bulacan Chapter sa mga lumahok sa talakayan hinggil sa decriminalization of libel law ang pagiging responsableng mamamahayag upang hindi masampahan ng kasong libelo.
Kuha ni Dino Balabo
LUNSOD NG MALOLOS – Hindi dapat matakot ang mga mamamahayag sa kasong libelo, samantalang ipinaalala niya ang pagiging responsible sa pagtupad sa tungkulin, ayon sa kinatawan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Bulacan Chapter.
Iginiit pa niya na ang pagsasampa ng kasong libelo ang huling depensa laban sa mga mamamahayag, ngunit hindi naman ito kailangan ng mga opisyal.
Ipinaalala naman ni Father Dars Cabral na ang Journalists’ Code of Ethics ay hindi lamang tumutukoy sa parusa kaugnay ng nagawang pagkakasala, sa halip ay upang makagawa ng mabuti at mapaunlad ang pamamahayag.
Kaugnay nito, iminungkahi ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan chapter ang pagbubuo ng Citizens Press Council sa Bulacan di lamang upang magsilbing sumbungan ng mga reklamo mula sa mga inabuso ng mga mamamahayag, kundi upang magsilbi ring tagapagsulong ng pagpapaunlad sa pamamahayag sa lalawigan.
Sa kanyang talumpati sa mga dumalo sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day noong Biyernes, Mayo 4, sinabi ni Abogado Jesus Ricardo Degala na hindi basta masasampahan ng kasong libelo ang mga responsableng mamamahayag.
“Don’t be scared, hanggat ang ginagawa ninyo ay pinupuna ninyo ang aksyon ng isang public officer in the exercise of their official function, you cannot be sued for libel, of course you can be sued, but having a conviction is another story,” ani Degala na nagsilbing tagapagsalita sa talakayang isinagawa kaugnay ng taunang pagdiriwang na ang tema ay “decriminalization of libel law.”
Ang talakayan ay isinagawa sa Bulacan State University (BulSU) Speech Laboratory.
Sinabi ni Degala na ang libelo ay nakapaloob sa Article 353 ng Revised Penal Code ng Bansa na pinagtibay ng Kongreso noong 1932 na inilarawan niyang luma na sa pamamagitan ng mga katagang “jurrasic age na yan.”
Bilang kasapi ng IBP-Bulacan, nagpahayag ng paninindigan si Degala na dapat ng baguhin ang nasabing batas, hindi lamang sa pagiging luma, kundi dahil sa ito ay lumalabag sa pandaigdigang kasunduan na nilagdaan ng Pilipinas.
Batay sa desisyon ng United Nations Commission on Human Rights (UNCHR), ang batas sa kasong libelo sa bansa ay dapat i-decriminalize sapagkat ito ay hindi nakakatugon at lumalabag na sa probisyon ng International Convention on Civil and Political rights, kung saan ay nakapaloob ang malayang pagpapahayag at pamamahayag.
Dahil dito, ipinayo ng UNCHR sa Pilipinas na magsagawa ng mga hakbang upang baguhin ang nasabing batas at maging akma.
Ngunit ayon kay Degala, isang kasapi ng UNCHR monitoring committee sa mga international treaty ang nagpahayag na hindi lamang dapat himukin ang Pilipinas upang baguhin ang batas sa kasong libelo, sa halip ay dapat pilitin ang bansa.
“If you look at it at from the point of view of a journalist, that’s a victory; but from the point of a lawyer, it’s a shameful decision,” ani Degala na isang ring konsehal ng lungsod ng Malolos.
Ito ay dahil sa ang Pilipinas ay isa sa mga lumagda sa pandaigdigang kasunduan, at ayon kay Degala dapat sundin ng bansa ang pangunahing prinsipyo ng batas na nagsasabing anumang kasunduan ang nilagdaan ng boluntaryo, ito ay dapat tuparin ng maluwag sa kalooban.
“Kahit non-binding ang decision ng UN body, all parties need be compelled, but we have to comply in good faith,” ani ng abogado.
Dagdag pa ni Degala, “iyon ang nakakalungkot sa atin, bakit kailangan pang pukpukin natin ang gobyerno sa tungkulin natin na dapat ginampanan natin in good faith.”
Sa kasalukuyan, sinabi ni Degala na wala pang ginagawang hakbang ang Kongreso at Senado hinggil sa pagbabago ng batas na sumasakop sa kasong libelo.
Ipinaliwanag niya na, “makapal na mukha ng mga public official ngayon, kailangan ang proteksyon ng libel.
Siguro yun ang dahilan kaya ayaw i-decriminalize ang libel because it is their last defense sa mga pumupuna sa kanilang gawain.”
Kaugnay ng nasabing talakayan, ipinaalala ni Fr. Dars Cabral, ang direktor ng Commission on Social Communications ng Diyosesis ng Malolos, na hindi maaaring magpatuloy ang sangkatauhan na walang pinapahalagahan.
Ipinaalala niya na ang tao ay pinagpapahalagahan ng Diyos bilang sentro ng Kanyang sangnilikha, at nararapat ding pahalagahan ng mga mamamahayag ang mga mamamayan.
Ayonkay Cabral, may mga pagkakataon na mas nabibigyang pagpapahalaga ng mga mamamahayag ang istoryang susulatin at taong kakapanayamin, ngunit hindi ang mga taong babasa, makikinig at manonood sa balita.
Inihalimbawa niya ang mga madudugong imahe ng pamamaslang na nalalathala o naisasahimpapawid sa telebiyson.
Ayon sa pari, sa ibayong dagat ang mga katulad na imahe ay hindi ipinakikita, sa halip ay tinatakpan bilang pagpapahalaga sa dignidad ng biktima at ng mambabasa at tagapanood.
Ipinaalala rin niya ang pagsunod sa Journalists’ Code of Ethics at binigyang diin na ang nilalaman noon ay hindi lamang parusa sa pagkakamali o pagkukulang, kundi isang hamon para sa mas mataas at makabuluhang pamamahayag.
Hinggil sa nakagawian ng ilang mamamahayag na pagbatikos sa pagnanais na magbago ang lipunan, sinabi ni Cabral na “gusto nating baguhin ang lahat pati Presidente, pero bilang isang manunulat, nagbabago ba tayo, nag-iimprove ba tayo, we want to change the whole system, but our own system is chaotic.”
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng NUJP-Bulacan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Citizens Press Council at iminungkahi ang pagbubuo nito sa Bulacan.
Ang Citizens Press Council ay nagsusulong ng pananagutan ng mamamahayag sa mga mamamayan. Ito ay nagsisilbing sumbungan ng mamamayan upang maituwid ang pagkakamali at pag-abuso bilang mamamahayag.
Isang halimbawa nito ay ang Cebu Citizens Press Council (CCPC) na bukod sa pagiging sumbungan ay nagsusulong din ng pagpapataas ng antas ng kakayahan ng mamamahayag para sa mas makabuluhang pamamamhayag.
Ang mga press council ay binubuo ng mga patnugot ng mga pahayagan o mamamahayag, mga guro ng pamamahayag, at mga kinatawan ng ibat-ibang sektor.
Ito ay nangangahulugan na pagiging bukas ng mga mamamahayag sa mga puna ng pamayanang pinaglilingkuran.
Samantala, magkakasama ring binigkas ng mga dumalo sa nasabing talakayan ang Panata ng Bulakenyong mamamahayag na inihanda ng NUJP-Bulacan at tagapag-ugnay ng Philippine Press Institute sa lalawigan.
Bahagi nito ay nagsasaad ng “Ako ay Bulakenyong mamamahayag, karangalan ko na mapabilang sa mga inapo sa simulain at pangarap ni Gat Marcelo H. Del Pilar.”
“Ako ay naninindigan para sa malaya at responsableng pamamahayag, patas at balanse, tapat sa katotohanan, may pananagutan sa mamamayan at higit sa lahat, may takot Diyos.”
Ang talakayan ay inorganisa ng PPI, kasama ang Philippine Press Council at NUJP, sa pakikipagtulungan ng Bulacan State University at pagsuporta ng embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas.