Home Opinion Ibon

Ibon

150
0
SHARE

Lumipad ka ibon,

sa gitna ng mga ulap

Malayang iwagayway,

matikas mong mga pakpak

Hayaang matangay,

ng hanging humahampas

Habang tumatagal,

Masanay kang lumalayag

 

Hanggat di maabot,

Sukdulan ng iyong nasa

Huwag kang titigil,

Kung may kabang nadarama

Pag ito’y nangyari,

Malalaglag ka sa lupa,

Ito man ay pagsubok,

Huwag mawalan ng pag-asa

 

Tanging habilin ko,

Kung nasa itaas ka na

Gawa’y di magumon,

Sa sandaliang ligaya

Ang lahat ng bagay,

Angkining pansamantala

Ngayo’y nasa taas ka,

Babalik rin sa ibaba

 

Kung unos ay dumating, 

Huminto ka sumandali

Itikom mga pakpak,

Sa mga daho’y maglagi

Ga’t di tumitigil,

Patak ng ula’y di pawi

Ang sikat ng araw,

Sisilay ng mayro’ng ngiti

 

Ibong man o tao,

Kaakibat ang pangarap

Iba’y nabibigo,

Gaano mang pagsisikap

Yaong nagtagumpay,

Kahit daan ay madawag

Ni hindi sumuko,

Lumalaban ng parehas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here