Home Headlines Ibinebentang paputok online pinaiimbestiga sa PNP

Ibinebentang paputok online pinaiimbestiga sa PNP

467
0
SHARE
Ipinapakita ng fireworks dealer na si Justina Gabuyo ng Global Fireworks and Trading sa Bocaue ang isa sa mga tinda niyang pailaw na aniya’y dumaan sa lahat ng pagsusuri para maseguro na ligtas gamitin ng publiko. Kuha ni Rommel Ramos

BOCAUE. Bulacan — Inireklamo ng samahan ng mga manggagawa at nagbebenta ng paputok para busisiin ng kapulisan kung nakasusunod ba sa itinakda ng batas ang bentahan ng paputok sa mga online platforms.

Sa liham na ipinadala ng Philippines Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc. (PPMDAI) sa tanggapan ni Col. Paul Kenneth Lucas, OIC ng Firearms and Explosives Office (FEO) ng PNP, nais nilang busisiin nito ang bentahan ng mga paputok online dahil sa dumadaming bilang ng mga nagbebenta nito ng walang lisensya.

Sa ilalim kasi ng RA 7183, may parusang multa ng hanggang P30,000 o pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon ang sinuman na lalabag sa mga prohibisyon ng batas sa bentahan, paggawa, distribution, at paggamit ng mga paputok sa bansa.

Duda ang PPMDAI na may mga lisensya at nakatutupad sa regulasyon ang mga online sellers dahil ang mga ligal na magpuputok o maglulusis ay dumadaan sa mga napakaraming requirements ng kapulisan.

Ayon sa PPMDAI, inimbita na ng FEO ang mga top official ng Shopee Philippines at Lazada Philippines para talakayin ang kanilang inihain na reklamo.

Sa liham anila ng FEO sa mga online platforms, ay binigyang diin na ang mga nagtitinda ng mga paputok ay dapat na pawang mga lehitimo lamang at kailangan na nagsumite ang mga ito ng kaukulang mga dokumento at kung hindi ay dapat na iitigil ang pagbebenta ng mga paputok o pailaw.

Ayon pa sa PPMDAI, dapat na agad na umaksyon dito ang mga otoridad para masiguro na ligtas sa publiko ang mga paputok o pailaw na nabibili sa online platform Lalo na ngayong malapit na ang selebrasyon ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon naman kay Justina Gabuyo, fireworks dealer ng Global Fireworks and Trading sa bayan ng Bocaue na miyembro ng PPMDAI, walang kasiguraduhan kung ang mga ibinebentang firecrackers online ay may mga permiso mula sa ibat-ibang government agencies.

Ani Gabuyo, dapat na may pruweba ang mga online fireworks sellers at delivery riders na sila ay dumaan proper seminars on safety trainings na ginagawa ng PNP.

Duda din sila kung ang mga storerooms ba ng mga online sellers ay may proper precautionary measures para makatugon sakaling magkaroon ng accidental explosions.

Kailangan din aniya na may proper clearances mula sa Bureau of Fire, PNP at LGUs para makapag-operate ang mga ito.

Nanawagan din si Gabuyo sa Department of Trade and Industry na imbestigahan ang mga online sellers kung ang mga ibinibenta ba nitong mga produkto ay pumasa sa product standards at kung mula ba ito sa mga licensed pyrotechnics manufacturers.

Ani Gabuyo, di hamak na mas mura ang mga paputok na ibinebenta online kumpara sa kanilang mga lehitimong firecracker dealers.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here