Ang mga rallyista, karamiha’y naka-T-shirt na berde, ay malakas na sumisigaw ng “lansagin” at “ibasura” ang plantang nukleyar na tinatawag nilang “monster of Morong”.
Mahabang pila ng iba’t-ibang sasakyan ang lumahok sa caravan na dumaan sa kahabaan ng MacArthur Highway mula sa Layac, Dinalupihan patungo sa mga bayan ng Hermosa, Orani, Samal at Abucay.
Mula naman sa Abucay ay nag-martsa ang libu-libong tao, kabilang ang mga bata, papuntang barangay Tuyo, Balanga City. Sa harap ng Tuyo Elementary School, ginanap ang paggunita sa “salubungan” noong Hunyo, 20, 1985 ng may 15,000 hanggang 25,000 rallyista ng dalawang grupo mula sa hilaga at timog Bataan.
Tinatayang may 3,.000 naman ang mga beterano at mga bagong lumalaban sa muling pagbubukas ng BNPP (batay sa isang House Resolution ni Congressman Mark Cojuangco) ang dumalo sa ika-24 na taonng anibersaryo ng welgang bayan ’85 na nagmula sa dalawang grupo mula sa hilaga at timog Bataan.
Ipinaliwanag ni Monsignor Tony Dumaual, pangulo ng Nuclear Free Bataan Movement, na sa harap ng paaralan sa Tuyo hinarang ng mga sundalo na may dalang armored personnel carrier ang mga rallyista galing sa parte ng Dinalupihan.
“Sumaklolo ang maraming rallyista mula naman sa Pilar at nabuwag ang hanay ng mga sundalo,” patuloy ng pari.
Pinangunahan ni Lawyer Dante, NFBM vice-president, ang mga nagpo-protesta mula sa gawi ng Pilar noong Hunyo 20, 1985 at ang abugado rin ang pumapel sa nangyaring makasaysayang “salubungan” noong Sabado.
Magkakapit-bisig ang mga lider, kinausap nila ang mga kunwari’y mga sundalo na bayaang mag-martsa ang taong-bayan.
“Sama-sama tayong mag-martsa at walang tangke na makapipigil sa mamamayan!” sigaw ni Ilaya sa ginawang paggunita sa “salubungan” na sinabi rin niya noong 1985. Hindi nagtagal ay nabuwag ang hanay ng mga sundalo na naging dahilan upang magsigawan at magpalakpakan ang mga rallyista bilang hudyat ng kanilang tagumpay.
Nagpakawala rin ng mga berdeng lobo habang paminsan-minsa’y sumasaliw ang putok ng mga kwitis.
Ilang grupo naman ng kabataan ang nagpunta sa Bataan provincial jail habang sumisigaw ng “palayain si Archie Bathan,” na umano’y isang lider ng Kapisanan ng Pambansang Demokrasya na lumalaban sa BNPP.
Sinabi naman ni Bishop Socrates Villegas na ang nangyaring welgang bayan sa Bataan noong 1985 ay isa sa mga nag-ambag sa sumunod na EDSA revolution noong 1986. Hinimok niya ang mga bagong kalahok sa paggunita sa welgang bayan na dapat parangalan ang mga naunang nagpakasakit at nanindigan na aniya’y hindi inalintana ang peligro sa kanilang buhay.
Pinasaringan niya si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung bakit pinili pa nito na sa bansang Hapon ipahayag na iniisip ng kasalukuyang pamahalaan ang paggamit ng nuclear power para sa enerhiya at kuryente.
“Napailing ako at nalungkot sapagka’t ako’y nasaktan kung bakit sa Japan pa kailangang sabihin na ang nuclear energy ay isa sa isinasaalang-alang ng pamahalaan bilang source ng kuryente samantalang ang Hapon ang sumira sa Bataan noong Ikalawang Digmaan,” sabi Bishop Soc.
“Pero ang lungkot ay hindi dapat manatiling lungkot at ang lungkot na ito ang dapat maghatid sa atin sa paninindigan upang ipaalam sa pamahalaan na ang nuclear power ay peligro hindi lamang sa Bataan kundi sa mundo kaya hindi ito dapat isiping gamitin o simulan,” mariing pahayag ni Villegas.
Kabilang ang ilang madre at pari ang nakita sa rally. Dumalo rin sa paggunita ng welgang bayan ’85 sina Mayor Jose Enrique Garcia III ng Balanga City, Mayor Rolly Tigas ng Samal, Mayor Tony Raymundo ng Orion at mga magsasaka, mangingisda, estudyante, guro, lider transportasyon, kababaihan, kabataan at iba pang sector.
Hindi nakadalo si Gov. Enrique Garcia na nagkataong may kaunting karamdaman subalit nagpahatid ng pahayag na kaisa siya sa layuning hadlangan ang ano mang tangka na muling buksan ang plantang nukleyar sa Napot Point, Morong.