Si Kapitan Rodelio Mamac habang minamanduhan ang pila ng mga kukuha ng SAP sa araw ng deadline upang mapanatili ang social distancing. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG ANGELES — Nagbabala ang barangay chairman ng Balibago sa mga residenteng hindi kwalipikado na nakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program na ibalik na lamang ang pera bago pa man maharap sa asunto.
Ayon kay barangay chairman Rodelio “Tony” Mamac, naka-apat na sumite sila ng listahan ng mga residente para sa SAP dahil may mga nagsisinungaling at hindi kwalipikado lalo na ang mga 4Ps members, mga government employees, private employees o may mga miyembro ng pamilya na professional.
Sa ika-apat na listahan na sinumite sa tanggapan ng city social welfare and development office ay duda pa rin si Mamac na may nakalusot dito na hindi kwalipikado kayat nagbabala siyang isauli na lang ng mga ito ang pera.
Aniya, malalaman at malalaman din naman kung may hindi kwalipikado sa barangay na nakatanggap ng SAP.
Nagpa-alala din si Mamac sa mga nakatanggap ng ayuda na agad na isumbong sa kaniyang tanggapan sakaling may lalapit sa mga ito na babawasan ang perang natanggap at sasampahan din niya ng reklamo.
Samantala, nitong Linggo ay nakahabol sa deadline ang Barangay Balibago sa pagpapamigay ng SAP para sa 4,898 na beneficiaries.
Bagamat marami ang nabigyan, nasa mahigit 9,500 aniya ang kabuuang bilang ng household sa kanilang barangay.
Paliwanag ni Mamac, nakipag-ugnayan na din siya sa DILG at DSWD na agad na maglabas ng guidelines sa planong pagpapamigay ng ikalawang ayuda ng SAP.
Ipinanukala daw niya na kung maari na ang halagang P6,500 na ayuda ay hatiin na lamang sa dalawa nang sa gayon ay mas maraming pamilya ang mabiyayaan ng tulong mahirap man o mayaman dahil ang lahat ay apektado naman ng pandemya ng coronavirus.