Iba ang batas para sa mahirap?

    566
    0
    SHARE

    BILANG TAO na may puso at damdamin,
    di ko maiwasang maantig ang aking
    kalooban sa isang natunghayan nating
    balita, na medyo ‘inhumane’ ang dating.

    Kung saan ang paksa ay isang matanda
    na otsenta’y siyete anyos na’t mahina
    pero ikinulong pa rin sa kabila
    ng pagsusumamo’t pagmamakaawa

    Nitong kapamilya ng taong naturan,
    na hangga’t maari i-‘house arrest’ na lang
    sa dahilang ito ay may karamdaman,
    at ni ang sarili di maalagaan.

    Ngunit di nagdalang habag ni kapurit
    ang alin mang yatang ‘concern authorities’
    na dapat umaksyon upang ang maysakit
    na ‘convict or accused’ ay huwag nang ipiit

    At sa bahay na nga lamang siya payagang
    pumirmi sanhi ng di na niya makayang
    kumilos man lamang ng walang alalay,
    dala ng iba pang sakit nitong taglay

    Tulad ng malala niyang ‘Alzheimer’s disease,
    advance dementia’ at ng diabetes;
    Ano’t kung kailan siya nag-‘87 years’
    ay saka pa nga siya ipabibilibid?

    Matapos ang mahigit dalawampu’t isang
    taon na si Herman Gil ay makasuhan
    ng Estafa, kaya nakapagtatakang
    ang pagka-aresto ay kamakailan lang.

    Siya ba ay nagtago imbes na magpiyansa
    at kumuha rin ng manananggol niya
    nang ang kaso niya’y dapat nang mabista,
    kaya nagka-‘warrant of arrest’ muli siya?

    O ni di umusad ang kasong kriminal
    ng taong ito at bale ngayon lamang
    siya inaresto, saka sisimulan
    ang ‘hearing’ kung hindi siya natuluyan?

    Kung ang di pag-usad ng anumang kaso
    sanhi ng pagiging usad pagong mismo
    ng ‘Court of Justice’ ay sino sa tantya n’yo
    ang dapat sisihin kung magkaganito?

    Sinumang lumagay sa kinahantungang
    karsel ng matandang Gil ay di tatagal
    sa dumi at baho ng kapaligiran,
    na daga at ipis ang naghahabulan.

    Maliban sa ‘over populated’ yata
    ang ‘city jail’ na kung saan ang matanda
    ay idinite kaya’t ang malubha
    niyang kalagayan ay lalong lumala?

    At humantong na sa pinangangambaan
    ng mga kaanak na di pinagbigyan
    ng Korte ang hiling na i-‘house arrest’ na lang
    ang ama, imbes ipasok sa kulungan.

    Matakas pa ba sa batas ang hindi
    na makatayo r’yan parang lang umihi,
    lalo’t ngayong ito’y inutil na’t bingi,
    kahit di ikulong ya’y di makauwi?

    Iyan ba ay dahil sa dalawa ang mukha
    nitong hustisya sa ating Inangbansa,
    kaya’t ang malimit sa ating akala
    ay iba ang para sa api at dukha?

    Pero sa madatong, tama’t nakakulong
    ang kagaya r’yan ng mga mandarambong,
    pero may sariling kuarto at de aircon,
    partikular mismo sa Bilibid Prison.

    (Subali’t sa tulad nating mahihirap,
    ya’y makasuhan lang ng maling paglakad,
    kapag nagkataong ni ‘Osmena’t Roxas’
    ay walang makapa – presinto ang bagsak?!)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here