ay kapansin-pansin ang maraming bagay,
na naging ‘viral’ na sa kasalukuyan,
sa nakararami nating ‘politicians’.
Gaya nitong dati ay di palabati
at ang leeg animo’y matigas lagi,
ngayo’y sagad na sa taynga ang pag-ngiti
dahil may kailangan na naman yan uli.
Pero nang ya’y wala pang balak humabol
at malayo pa ang araw ng eleksyon,
yan ilang beses man nating masalubong
sa SM o kaya diyan sa Robinson
At iba pang ‘public places’ halimbawa,
ni pagbating aso ay di riyan magawa;
Lalo na ng ibang nakaririwasa
na kung bansagan ay pilak ang kutsara.
Karaniwan na sa ilang pulitiko
ang mababait lang sa panahong ito,
pero kapag sila’y pinalad manalo
ang dating ugali ang iiral piho.
Yan ay di lang minsan nating naranasan
sa ibang tao na ating natulungan,
Na ikinampanya’t atin pang personal
na inindorso sa mga kaibigan.
(At kung saan kahit pangkarga sa aking
sariling sasakyan di ako humiling
O siya ay kusang nag-abot sa akin,
ngunit bandang huli nabale-wala rin).
At ano ang isinukli bandang huli
kundi sakit-loob na napakatindi,
At ako pa itong tapat na nagsilbi
sa kanya ang parang di naging mabuti.
Sa pag-aakalang ako’y lumipat na
marahil sa kampo ng katunggali niya,
dahilan na rin sa bilang kolumnista
o mamamahayag ay palabisita
Sa mga Alkalde, Bokal at iba pang
opisyales pati ng pamahalaan,
para ma-interview o makapanayam
hinggil sa takbo ng kanilang tanggapan.
Sa puntong nasabi, palibhasa’y gawa
na ng iba ang di matapat sa kapwa,
ang kaplastikan ay dala pa rin yata
ng nakararami hanggang sa pagtanda.
Palibhasa’y likas na sa pulitika
ang ika nga’y walang tiyak na kasangga,
pati na minsan ang matapat sa kanya
pinag-iisipan ng hindi maganda.
Kaya’t pati itong mga manghahalal
na kinakailangan nilang pagsilbihan,
Ay hindi na minsan napag-uukulan
Ng tamang atensyong kailangang ibigay.
At ang turing sa’tin ay iginagaya
sa ibang katoto nila o kasangga,
na bale-wala rin minsan sa kanila
kahit tumalon yan sa bangka ng iba.
Pagkat sadyang ganyan na ang kalakaran
ng pulitika sa ating Inangbayan,
na kaya lang tayo sinusuyo minsan
ay nang dahil lang sa ambisyon ng ilan.
At kung panahon din nga lang ng halalan,
na ang boto natin ay lubhang kailangan,
pero matapos na sila’y maihalal,
kilala pa kaya tayo ng mga yan?!