Huwag hulihin ang mga ibong dayo

    351
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan – Nananatiling nakataas ang babala ng mga lokal na opisyal sa mga Bulakenyo na huwag hulihin ang mga migratory birds o dayong ibong na namamalagi sa mga palaisdaang pinatutuyuan partikular na sa bayang ito.

    Ayon kay Dr. Felipe Bartolome, ang panglalawigang beterinaryo ng Bulacan, ikinagagalak nila ang pagtugon ng mga residente sa kanilang panawagan na huwag pakialaman ang mga dayong ibon.

    Aniya, ito ay resulta ng patuloy na pagkaunawa ng mga Bulakenyo sa panganib na hatid ng panghuhuli ng mga migratory birds.

    Ayon sa mga naunang pahayag ng mga dalubhasa, ang mga migratory birds na nagmumula sa mga malalamig na bansa at dumadayo sa Pilipinas kapag panahon ng tag-lamig ay posibleng may dalang bird flu virus.

    Ito ang dahilan kung bakit ipinagbabawal ang panghuhuli at paghawak sa mga dayong ibon, maging ang pakikihalo ng mga ito sa mga pinapastulang itik sa mga kabukiran.

    Ayon kay Bartolome, ang pakikihalubilo ng mga dayong ibon sa mga pinapastulang itik ay maaring maging dahilan upang mahawa ang mga itik  kung ang mga dayong ibon ay may dalang bird flu virus.

    Ang mga dayong ibon mula sa ibayong dagat at mga ibong gala sa bansa tulad ng mga tagak at pato ay karaniwang nakikita sa Candaba Swamp sa Pampanga at mga palaisdaang pinatutuyuan sa bayang ito at mga katabing bayan sa baybaying bahagi ng Bulacan.

    Ito ay dahil sa ang mga dayo at galang ibon ay nagsisipanginain sa mga palaisdaan.

    Kaugnay nito, tiniyak ni Dr. Samuel Animas ng Department of Agriculture (DA) ang pagsasagawa ng real time bird flu simulation drill, ngunit hindi pa alam kung kailan iyon isasagawa.

    Layunin ng pagsasagawa ng simulation drill ang pagsukat sa kahandaan at mapanatili ang bansa sa kinatatakutang sakit na kumitil sa maraming buhay sa ibayong dagat.

    Ayon kay Animas nagpahatid na sila ng kahilingan sa United States Agency for International Development (USAID) upang tulungan sila sa paghahanda sa simulation drill.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here