
JAEN, Nueva Ecija – Nahaharap ngayon sa kasong estafa through falsification of public documents ang isang babae nang tangkain umano nitong gumamit ng pitong “pekeng resibo” upang palabasin na nabayaran ang amilyar ng ilang lupain ngayong 2025.
Ayon kay Mayor Atty. Sylvester Austria, nagtungo sa munisipyo kamakailan ang suspek upang magbayad ng real property tax para sa pitong titulo para sa 2026.
Nag-aalok kasi ang pamahalaang bayan ng 20% discount sa RPT na mabayaran ng advance, sabi ng alkalde.
Ngunit kailangang ipakita ang resibo para sa kasalakuyang taon upang patunayan na nasa panahon o updated ang pagbabayad ng RPT. May kabuuang halaga na mahigit P32,000 ang mga nasamsam na resibo mula sa ginang na residente ng San Leonardo, Nueva Ecija.
Madali umanong nadiskubre na huwad ang mga resibo dahil iba ang pangalan sa kasalakuyang tesorero ng bayan ang nakalagda at manual ang pagkakasulat dito.
“Computerized na kami,” saad ni Austria.
Ang kasong estafa through falsification of public documents laban sa suspek ay isinampa sa Nueva Ecija Provincial Prosecutor’s Office. Itinakda ang preliminary investigation sa Jan. 6, 2026.
Lumabas din sa imbestigasyon na ang porma ng resibo na nakuha sa babae ay nakalaan sa ibang munisipyo ng Nueva Ecija.
Kaugnay nito ay nanawagan si Austria sa mga nagbabayad ng buwis na siguruhing tama ang kanilang transaksiyon at huwag makipag-ugnayan sa sinumang fixer.
Mabilis naman aniya ang transaksiyon sa munisipyo dahil mahigpit nilang sinusunod ang citizen’s charter.


