Home Opinion Hustisya, pag-alala, at pagbabalik-loob 

Hustisya, pag-alala, at pagbabalik-loob 

122
0
SHARE

SINUSUBAYBAYAN KO ang kasalukuyang nagagabap na mga pagdinig sa International Criminal Court. May isang kapwa Pilipinong matagal nang nanirahan sa Netherlands na nagsabi na tama lang daw ang nangyari noon—na naging mas ligtas daw ang bansa dahil sa kampanya laban sa droga.

Marami na tayong nakarinig ng ganitong paniniwala.

Marami rin ang naniwala.

Pero ibig ko lang magtanong—nang mahinahon pero tapat:

Sa anong halaga? At kaninong buhay ang kapalit?

Sa aming diyosesis, nakaharap ko ang daan-daang pamilya ng mga biktima. Nakita ko ang mga inang walang perang maipambili ng kabaong para sa kanilang anak. May mga pamilyang pinahaba pa ang lamay ng dalawa o tatlong linggo para lang makalikom ng pera mula sa “tong” ng sugal para mailibing ang kanilang mahal sa buhay.

Noong mga panahong iyon, kumita nang malaki ang mga punerarya. Bukod sa mahal na bayad sa serbisyo, may dagdag pang bayad para sa autopsy. May mga bangkay na hindi agad nakukuha dahil walang pambayad ang pamilya. Ang ilan ay napupunta na lang sa mga medical schools para gamitin sa pag-aaral ng anatomiya.

Sinubukan naming tumulong sa pamamagitan ng Caritas Funeral Service—₱5,000 lang para sa kabaong, embalming, at libingan. Pero hindi namin kayang tapatan ang mga puneraryang naniningil ng ₱40,000 o higit pa. May mga balita pa na may komisyon ang ilang pulis kapag sa kanila dinala ang bangkay.

May mga autopsy report na nagsasabing “cardiac arrest” ang sanhi ng kamatayan. Pero nang suriin ng forensic expert na si Dr. Raquel Fortun ang ilang bangkay, malinaw na may tama ng bala mula sa malapitan.

Narinig ko ang mga kuwento ng mga kaanak ng mga taong pinaslang —walang paglilitis, walang depensa, ni hindi man lang nabigyan ng pagkakataong magsalita.

Sabihin na nating may ilan sa kanila ang totoong sangkot sa droga.

Pero kailan naging parusa ng kamatayan ang katapat ng hinala?

Kailan napalitan ng “drug watch list” ang due process?

Kailan nagkaroon ng kapangyarihan ang Estado na pumatay nang walang hatol ng hukuman?

At ang pinakamasakit na tanong:

Kahit totoong ang nakararami ay tumahimik dahil takot, marami rin ang sumang-ayon sa ganitong kalakaran. Bakit?

Oo, nagiging matapang ang isang gobyerno kapag alam nitong suportado ito ng marami. Pero ang popularidad ay hindi kailanman dahilan para gawing tama ang mali.

Ang pagpatay nang walang due process ay hindi hustisya.

Hindi ito solusyon.

Hindi ito proteksyon.

Ito ay karahasan.

At ang karahasan, kapag tinanggap ng lipunan, hindi lang biktima ang sinisira—kundi ang kaluluwa ng buong bayan.

Hindi lang ang nangyari ang masakit, kundi ang kung gaano kadali na tinanggap ito ng marami.

Pero hindi ako nagsusulat para manghusga.

Nagsusulat ako dahil may pag-asa pa.

Hindi pa huli ang lahat.

Hindi pa huli para magbago ang puso.

Hindi pa huli para makinig sa mga biktima.

Hindi pa huli para aminin na ang pananahimik o pagsang-ayon ay may epekto rin.

Sinasabi sa atin ng Kasulatan na ang ating mga desisyon ay may epekto hindi lang sa atin, kundi sa mga susunod na henerasyon. Pero mas mahalaga, pinapaalala rin nito na:

Ang Diyos ay maawain.

At tinatawag niya tayo hindi lang sa hustisya—kundi sa pagbabalik-loob.

Dalangin ko na, sa pakikinig natin sa mga kuwento ng mga biktima, unti-unting lumambot ang mga puso.

Na ang mga dating sumang-ayon ay magsimulang magtanong.

Na ang mga tumanggi ay magsimulang makakita.

Na ang mga nanahimik ay magsimulang magsalita.

Hindi dahil sa takot—kundi dahil sa katotohanan.

Dahil ang bayang ayaw umalala ay hindi gagaling.

At ang bayang ayaw humarap sa katotohanan ay hindi magkakaroon ng matibay na kinabukasan.

Oo, maaari nating unawain ang ilan na nanahimik—yung naniwala na ang mga biktima ay “nanlaban” diumano, na ang pulis ay napilitang lamang na ipagtanggol ang sariling buhay.

Pero ngayon, huwag na tayong matakot itanong ang mga hindi natin natanong noon:

Ano ba talaga ang nangyari?

At higit sa lahat:

Anong klaseng bayan ba ang ibig nating maging?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here