Nitong abeinte tres ng Julyo, eksaktong
Dalawampung buwan na magmula noong
Maganap sa Maguindanao ang madugong
Masaker, kung saan ang itinuturong
Utak ng krimen ay ang matandang Andal
Pero ang gumawa ng pinaka-brutal
At maka-hayop na grabeng pamamaslang
Sa mga biktima ay ang batang Andal.
Ito’y ayon na rin sa naging pahayag
Ng ilang ‘witnesses’ na kusang lumantad
Upang ang totoo ay maisiwalat
Laban sa kanilang panginoon dapat
Pero hayan sila at nagboluntaryo
Para ihayag ang umano’y totoo,
Upang kaipala sila’y maabswelto
Sa pagkaka-kulong kung gagawin ito?
Kung saan pati si Zaldy Ampatuan
Ay inialok na rin ang sarili n’yan
Sa DOJ upang tumestigo bilang
‘State witness’ yata sakali’t payagan?
(Na aywan kung bakit handang maging Hudas
Laban sa ama at sariling kaanak
Para magawa lang nitong makaiwas
Sa tiyak na ‘life sentence’ na kinakaharap)
Posible rin namang ginigimikan lang
Ni Zaldy ang ‘Justice Department’, kabayan
Upang iligaw ang kinauukulan
Sa kung anong ninanais patunayan.
At/o kaya naman ay ‘delaying tactics’’
Para patagalin n’yan ang paglilitis
Hanggang sa pamuling may ‘Chief Executive’
Silang makakampi’t makasanggang dikit.
Pagkat ‘whether, whether’ din naman kung minsan
Kaya walang imposible sa puntong yan;
Lalo’t sa katulad nilang mayayaman
Na animo’y pader ang sinasandalan.
Pero ano’t-ano man ang kahinatnan
Nitong kasong ating ipinaglalaban
Para sa ‘ting kapatid sa hanapbuhay,
Na ang tanging hangad ay maghatid lamang
Ng balita’t mahalagang impormasyon
Sa mambabasa at nakikinig nitong
‘Live broadcast’ sa Radyo, saka Television
Ngunit napahamak ng dahil lang doon
Ay marapat lang na ating matutukan
Ang mabagal na pag-usad sa Hukuman
Ng naturang kaso na iilan pa lang
Ang nabasahan ng karampatang sakdal
Gayong gaya nang nabanggit sa itaas
Ay dalawampung buwan na ang nakalipas
Magmula nang sila’y paslangin at sukat
Nitong animo ay may sayad ang utak.
Kaya, sa puntong yan ay nanawagan
Ang PPI at ang iba pang samahan
Ng pamamahayag sa ‘ting kapuluan
Upang ituloy ang ating pagmamanman
Sa kasong yan hanggang sa huling sandali
Ng paglilitis na kailangang masusi
At patas din namang gagawing pagsuri
Upang hustisya ang siyang mamayani!