Home Headlines HPG tuloy sa clearing operations

HPG tuloy sa clearing operations

757
0
SHARE
Police Maj. Karl Eliseto Subere, team leader ng HPG-Nueva Ecija. Kuha ni Armand Galang

LUNGSOD NG CABANATUAN — Hinikayat ngayon ng Highway Patrol Group (HPG) ang mga may-ari ng establisimiyento sa gilid ng pangunahing lansangan, partikular sa kahabaan ng Maharlika Highway, na huwag maglagay ng anumang makasasagabal sa daloy ng trapiko.

Ayon kay Police Maj. Karl Eleseto Subere, team leader ng HPG-Nueva Ecija, patuloy ang kanilang clearing operation sa mga lansangan sa lalawigan.

“Continuous po ang ating clearing operation sa mga obstruction sa mga kalsada upang mapanatili ang smooth flow ng trapiko,” ani Subere.

Kasama sa kanilang pinaaalis ang mga truck na iligal na nakaparada at signage ng mga establisimiyento at “kahit ano po na nakaaabala sa daloy ng trapiko.”

Nilinaw gayunman ni Subere na hindi naman sila kaagad nagpapataw ng parusa at sa halip ay pakiusap muna ang kanilang ginagawa.

Kung nakikita umano ng kanilang mga operatiba na delikado at posibleng pagmulan ng aksidente ang pagkakaparada ng isang sasakyan  katulad sa nakabubulagang kurbada, ay maaaring hilingin sa driver na lumipat na lamang.

Bilang paalala ay pinayuhan ng opisyal ang mga motorista na ugaliing sumunod sa batas trapiko.  “Unang una po sa mga driver, panatilihin yung kalusugan upang maging maayos ang kanilang pagda-drive at maging maayos po sa kalsada,” dagdag niya. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here