MARIVELES, Bataan – Isang tri-sectoral movement na binubuo ng mga maralita, mangingisda at manggagawa ang inilunsad dito nitong Linggo, October 1, para sa karapatan sa disenteng paninirahan.
Ayon kay Derek Cabe ng Kilusan – Bataan, inilunsad ito bilang paghahanda sa paggunita ng World Habitat Day sa October 2 at bilang bahagi ng 15 days of action tungkol sa housing rights.
Ang pagkilos ay pinangunahan ng Liga at Ugnayan ng mga Maralita para sa Disenteng Paninirahan, Pangisda – Bataan, Workers for People’s Liberation at Kilusan – Bataan.
Sinabi ni Cabe na dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan ng 25 samahan mula sa mga bayan ng Mariveles, Limay, Orion, Balanga City at Abucay at tinalakay ang kalagayan sa paninirahan ng mga maralita, manggagawa at mangingisda sa Bataan.
“Naging panawagan ng tri-sectoral na kilusan sa pabahay na ang paninirahan at karapatang pantao ay hindi dapat na gawing negosyo,” sabi ni Cabe.
Sa October 2, ay makikibahagi, aniya, ang mga kasapi ng tri-sectoral movement sa isang delegasyon at pagkilos na gaganapin sa Department of Human Settlements and Urban Development.