OLONGAPO CITY – Tutulong na ang kamara sa gagawing imbestigasyon para lalo pang mapabilis na mabigyang katarungan ang pagkapatay kay Jeffrey Laude na pinaslang ng isang US serviceman sa loob ng isang lodge sa Magsaysay Drive noong nakalipas na linggo.
Sa ginanap na pulong- balitaan sa Dayrit Restaurant, sinabi ni Kabataan Party List Rep. Terry Ridon na naghain na ito ng House Bill 1568 na nananawagan sa Committee on Foreign Affairs at Committee on National Defense na magsagawa ng joint investigation kaugnay sa pagpatay kay Laude para lalong mapabilis ang pag-usad ng kaso at mabigyan ng katarungan.
Kasama sa pulong si Marilou Laude, kapatid ng biktima at pinabulaanan niya ang mga akusasyon sa kanyang kapatid na nagtangkang magnakaw ito sa suspek na si US Marine PFC Joseph Scott Pemberton kung kaya siya pinatay.
Dugtong pa ni Marilou na may dalang P25,000 na nakalagay sa bag ng kanyang kapatid nang ito ay mapatay, kaya paano aniya ito magnanakaw. Kaugnay nito, sinampahan na ng pulisya ng kasong murder si Pemberton sa City Prosecutor’s Office.