Hotdog ni Pnoy

    526
    0
    SHARE
    Doon po sa Estados Unidos
    Sa pera’y parang kinapos
    Pangulong Benigo Aquino
    Kumain ng hotdog sa kanto.
     
    Bumaba sa tinutuluyang hotel
    Sa kalsada’y nag-show and tell
    Pagkain ng hotdog asam na matagal
    Katakam-takam daw sa taong pagal.
     
    Kasama ang mga security aide
    Nagulat maging mga metro aide
    Pati media ay karay-karay
    Para silang isang langkay.
     
    Sabi sa balita, Pangulo’y nagtitipid
    Sa hotdog at coke, bayad ay 2 dolyar
    Mas higit daw itong matipid
    Sa gastos ni Ate Glo na 20,000 dolyar.
     
    Di natuwa, nagtanong mga Pinoy
    Sa matipid na Pangulong Pnoy
    Kakain ka rin ng balot’ penoy
    Kung magawi sa Hagonoy.
     
    Kung sa Recto, kwek-kwek ba’y papatulan
    Nang Pangulong di daw masuhulan
    Sa Crossing ng Malolos may fishball
    Kakain ba matapos magbasketbol.
     
    Sa New York, hotdog iyong kinain
    O Pnoy, iyong paka-alagatain
    May tinda rin kaming makakain
    Gusto mo ba ng mani o bitukang ihawin.
     
    Doon po sa amin, lalawigan ng Bulacan
    Mga botante’y si Pnoy ang inasahan
    Nawa’ dalawin kahit minsan
    Sa pagkain sa kalye ay saluhan.
     
    Street vendor naglipana sa Bulacan
    Sari-saring tinda ay iyong tikman
    Siguradong ika’y masasarapan
    Kapag lutong Bulacan nalasahan.
     
    Bulakenyong street vendor pansinin
    Sa bisikleta tinda’y kakanin
    Noon, ngayon hanggang bukas
    Lakas sa pagsikad di kumukupas.
     
    Iyan ang dating proyekto ng kapitolyo
    Bulakenyo’s binigyan ng negosyo
    Bisikleta bilis-kitang naturingan
    Parang penitensya sa Kapitangan.
     
    Kaya’t sa iyong pagbisita sa Bulacan
    Pangulong Pnoy ika’y aasahan
    Kahit sandali’y ika’y makasalo
    Doon sa kalye kumain at makihalo.
     
    Kung sa Amerika’y hotdog at coke
    Ihahain sa iyo’y mani sa mangkok
    Nang mga Bulakenyong umaasa
    Huwag sanang mauwi sa kalabasa.
     
    Teka,teka muna, ikaw bay nagtitipid
    Bakit PR sa Amerika’y umaligid
    Bakit kailangang ng PR firm
    Nasaan ang iyong communications team.
     
    Gusto mo raw papogiin ang Pilipinas
    Sa mata ng mga taong matatalas
    Di mo ba naisip o sa iyo’y  di nasabi
    Best PR is simple, trabahong mabuti
     
    Tama, di mo na kailangan magbayad
    Popularity rating mo’y di rin sasayad
    Kung matino, maayos, may direksyon
    Trabaho ng iyong administrasyon.
     
    Hindi ba’t tunay na maganda
    Di mo kailangang magpapogi
    Sapagka’t lahat kami nakahanda
    Sa pagtupad mo sa gawang mabuti.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here