“Hoodlums-in-Robe”

    356
    0
    SHARE
    KUNG SINO ang dapat sisihin ng bayan
    sa pagka-absuwelto sa ating Hukuman
    ng mga drug lords na salot sa lipunan,
    ang siya munang ating ngayo’y pag-usapan.

    Madalas, bagama’t di lubhang mahirap
    ang pagsaliksik kung saan nag-uugat,
    Pero sa isyung yan ang nagpapabigat
    ay itong marami ang ayaw lumantad.

    Una, kahit pa man may mga testigo
    laban sa kung sinong salot sa gobyerno,
    Natural lamang kung takot itong tao
    hindi haharap yan sa ating Husgado.

    Minsan naman nasa otorida na rin
    kung bakit ang kaso walang nararating;
    Papano nga kasi sila-sila mandin
    ang nag-aagawan kung may kikitain!

    Pero, kadalasan nasa Piskal at Huwes
    ang kaganapan ng tunay na ‘due process’,
    Malimit kahit na sapat ang ‘evidence’
    acquittal lamang din ang posibleng ‘sentence’.

    Papano nga kasi lalo pa’t may suhol
    ang tinatawag na ‘under-the-table,’
    Ligtas sa kaso ang pesteng mandarambong
    at mga ”Drug Lords” na nagha-hari ngayon.

    May posibilidad sa madaling sabi
    itong hinala r’yan ng nakararami,
    Na ang Justice System nati’y nabibili
    nitong ang kwarta’y di galing sa mabuti.

    Na kung saan kahit inimbentong kaso
    at ni walang sapat na batayan ito,
    Ya’y napakadaling aksyonan ng todo
    Nitong hoodlums-in-robe kapagka ginusto?

    Lalo’t ang nagsumbong mataba ang bulsa
    at ang akusado ay salat sa pera,
    Kahit ang huli ay hindi nagkasala
    kulong kaagad yan kung walang pampyansa.

    May ibang Judge kasi na di sinusunod
    ang Art. 112 ng ating Rules of Court,
    At ya’y kadalasan ng binabaluktot
    Nitong subject nating ilang “Hoodlums-in-Robe!”

    Kung alin ang krimeng marapat sugpuin
    ang wari’y di nila mabigyang ng pansin;
    Kaya’t maaaring ang hinala natin
    Itong kung minsan ay umiiral pa rin.

    Na kaya ang krimen imbes mabawasan,
    kundi bagkus patuloy ang paglobo n’yan,
    Ya’y sanhi ng justice system na mabagal
    na nga kung umusad – nabibili pa yan?

    At kailan titino ang lipunang ito
    na may tinitingnan at/o sinisino?
    Na kapag kasangga o hindi katalo
    di hinihigpitan ng ating gobyerno?

    Napapanahon na upang mangasimot
    Itong kung binyagan nga ay hoodlums-in-robe,
    Na siyang sa justice system nagpapaikot,
    kapalit ng ubod kapal na envelope?

    Na karaniwan ng bigay ng kung sinong
    may illegal business o kaya transaksyong
    Kailangan ang basbas ni Boss o ng “Ninong’
    Ng organisadong negosyo’y “Underground”?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here