OLONGAPO CITY – Nababahala na ang ilang negosyante dahil sa magkakasunod na holdapan sa kabila ng napakalapit na police station at kampo ng kapulisan sa Barangay Barretto sa lungsod na ito.
Unang hinoldap ng di kilalang mga kalalakihan ang Agragas gasoline station sa National Highway Barangay Barretto kung saan ilang metro lamang ang layo nito sa Police Station 6 at tanggapan ng Olongapo City Police Office (OCPO).
Ayon sa ulat nagkarga muna ng gas sa sinasakyang tricycle ang mga suspek at pagkatapos ay tinutukan ng baril ang gasoline boy na si Clarito Casuga kung saan tinangay ng mga suspek ang P1,000 na kita ng gasolinahan. Nasundan pa ito kinabukasan bandang alas-5 ng madaling araw nang holdapin ang Maidy Ena Convenience Store na di kalayuan sa gasolinahan na naunang hinoldap.
Tinutukan ang kahera at empleyado ng tindahan at tinangay ang may P5,000 kita, cellphone at pre-paid card na nagkakahalaga ng P10,000. Batay sa description ng mga suspek, halos magkakahalintulad ang kanilang mga kasuotan, nakatakip ang kanilang mukha at ang ginamit na sasakyan sa kanilang pagtakas ay isang tricycle na walang plaka patungo sa direksyon ng Zambales.