Home Headlines Hindi nagtatapos sa halalan ang malasakit sa bayan

Hindi nagtatapos sa halalan ang malasakit sa bayan

204
0
SHARE

NAGSALITA NA ang dalawang pangunahing personalidad na sangkot sa mayoralty election sa Lungsod ng San Fernando. Kapwa malinaw ang kanilang pahayag: Igagalang nila anuman ang magiging pasya ng Commission on Elections kaugnay ng kasalukuyang revision at manual recount ng 20% ng mga balota—na magsisilbing batayan kung itutuloy pa ang pagbibilang sa nalalabing 80%, alinsunod sa umiiral na mga alituntunin.

Ipinahayag ni Mayor Vilma Balle-Caluag ang kanyang kumpiyansa sa magiging resulta. Gayundin si Ms. Mylyn Pineda-Cayabyab, na patuloy na naninindigan na ang kanyang petisyon ay hindi lamang para sa panalo, kundi para sa malinaw na kasagutan sa mga pagdududang bumalot sa resulta ng halalan noong Mayo 2025—isang petisyong kinatigan mismo ng Comelec.

Sa kabila nito, hindi na naman maiiwasan ang matinding palitan ng opinyon ng mga tagasuporta ng magkabilang panig, lalo na sa social media, partikular sa Facebook. Sa masusing pagmamasid sa mga komentong lumalabas, kapansin-pansin na mas marami ang personal na atake—hindi lamang laban sa mga kandidato, kundi pati sa kanilang mga pamilya at maging sa kapwa tagasuporta.

Nakakalungkot isipin na sa halip na pag-usapan kung bakit nararapat manatili si Mayor Vilma sa kanyang posisyon, o kung bakit karapat-dapat si Ms. Mylyn bilang alternatibong lider, mas nangingibabaw ang paninira kaysa sa makabuluhang talakayan. Samantalang malinaw naman na pareho ang hangarin ng dalawang lider: ang mas maayos na pamamahala at ang mas malawak na pagtulong sa mga Fernandino upang patuloy na umunlad ang lungsod San Fernando.

Totoo, ginagarantiyahan tayo ng Saligang Batas ng karapatang magpahayag ng saloobin. Ngunit sana’y gamitin natin ang kalayaang ito nang may pananagutan—hindi bilang sandata sa personal na panlalait, kundi bilang daan sa mas mataas at mas makabuluhang diskurso. Sa social media, may mga totoong taong nagpapahayag ng opinyon, at mayroon ding mga troll na ginagamit upang palalain ang hidwaan. Nawa’y maging mapanuri tayo sa ating binabasa, sinusulat, at pinapaniwalaan.

Hangad sana na maiangat ng mga tagasuporta ng magkabilang panig ang antas ng usapan: iwasan ang personal na pag-atake at sa halip ay ituon ang pansin sa mga nagawa, ginagawa, at maaari pang magawa ng mga lider na ito para sa kapakanan ng Lungsod ng San Fernando. Sa ganitong paraan, ang palitan ng kuro-kuro ay magiging kapaki-pakinabang—hindi lamang sa mga sangkot, kundi pati sa mga tahimik na nagmamasid at nagbabasa.

Sa aking limitadong pagmamasid noong nakaraang kampanya, wala akong nabasa o narinig na personal na pag-atake si Mayor Vilma laban kay Ms. Mylyn, at gayundin naman, wala rin akong natatandaang personal na pag-atake si Ms. Mylyn laban kay Mayor Vilma o sa kanyang pamilya. Sana’y ito rin ang maging pamantayan ng lahat ng tagasuporta ng dalawang Lady Leaders.

Gaya ng kanilang parehong pahayag, hintayin natin at igalang ang magiging resulta ng rebisyon at manual counting—maging ito man ay ayon o taliwas sa ating inaasahan.

Mahalaga ring malaman ng publiko na ang revision at manual counting ay hindi ginagawa nang basta-basta. Parehong may sariling revisors at mga abogado ang protestant at protestee na naroroon at nagbabantay sa bawat hakbang ng pagbibilang. Ang buong proseso ay mahigpit na mino-monitor ng mga opisyal ng Comelec at nakapailalim sa CCTV coverage bilang opisyal na dokumentasyon—isang malinaw na patunay na ito ay bukas, patas, at transparent para sa lahat ng panig.

At bilang pahabol: nawa’y kung gaano tayo kasigasig sa pagpapahayag ng opinyon tungkol sa halalan sa San Fernando, ay ganoon din ang ating sigasig sa mas malalaking usapin na kinakaharap ng ating bansa—tulad ng malawakang korupsiyon na kinasasangkutan ng ilang mambabatas (Kongresista at Senador), opisyal ng gobyerno, at maging ng mga ganid na personalidad sa pribadong sektor. Ang tunay na malasakit sa bayan ay hindi nagtatapos sa eleksyon; ito’y nagpapatuloy sa araw-araw na paninindigan para sa katotohanan, pananagutan, at kabutihang panlahat.

Sa huli, iisa lang ang mahalaga: ang pagkakaisa ng mga Fernandino para sa mas maayos, mas makatarungan, at mas maunlad na San Fernando.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here