MARIVELES, Bataan — Dahil hindi makalabas bilang pagsunod sa enhanced community quarantine, isang ama ang nakaisip na gumawa ng isang mini-swimming pool sa bakuran ng kanilang bahay sa Barangay Cabcaben sa bayang ito.
Sinabi ngayong Biyernes ni Roberto Poco, 49, isang painter/mason, magdadaos ng kaarawan ang kanyang anak at dalawang apo nitong Abril 24, 28, at 29 at hindi sila makakalabas upang ipagdiwang ang mahahalagang araw na ito.
“Hindi kami makakapag-outing dahil sa ECQ kaya naisip kong gumawa ng maliit na swimming pool,” sabi nito.
Ayon kay Rhobie, ginawa ng kanilang ama ang swimming pool sa loob lamang ng pitong araw sa tulong ng ilang kaanak.
May sukat umanong 8.5 square feet at may taas na three feet ang swimming pool na umabot ang gastos sa halagang P10,000, hindi kasama ang labor.
“Hindi na kami kailangang lumabas dahil dilikado ang coronavirus kaya sa loob ng bakuran namin ay nakapagsasayakami na iilan lamang naman kami at inoobserbahan namin ng mahigpit ang social distancing,” sabi ni Rhobie.