HINALA NG MGA RESIDENTE
    Cover-up sa gas leak ng Nestle

    365
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Naghihinala ang mga residente ng Pulilan, Bulacan na may cover-up sa gas leak sa planta ng Nestle Philippines noong nakaraang linggo na nakaapekto sa kanilang mga kabarangay.

    Ito ay dahil sa hindi magkakatugmang ulat at pahayag ng mga opisyal ng munisipyo at ng pamunuan ng Nestle Philippines.

    Batay sa ipinahatid na ulat ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMC) ng Pulilan  sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), kinumpirma na nagkaroon ng ammonia leak sa pipeline ng planta ng Nestle na matatagpuan sa Barangay Tibag, Pulilan noong Huwebes ng gabi.

    Ngunit ayon sa MDRRMC, walang residenteng naapektuhan at madaling naagapan ang nasabing leak.

    Kinumpirma din ni Aurora Alipao, vice president for communication and marketing ng Nestle Philippines ang nasabing leak ngunit sinabi niya na iyon ay minimal lamang at walang panganib sa tao.

    Ipinagmalaki pa ni Alipao sa mga mamamahayag na mayroon silang mga sensor sa kanilang pasilidad na makaka-detect sa ammonia leak na may 50 parts per million (ppm).

    Sinabi ni Alipao na minimal lang ang leak at hindi iyon rumehistro sa kanilang sensor.

    Ayon pa kay Alipao, tinulungan din nila ang mga residenteng naapektuhan at ginamot sa kanilang klinika sa loob ng planta.

    Ngunit para sa mga residente, nakapagdududa ang mga taliwas na ulat ng MDRRMC at ng Nestle dahil ilan sa kanilang kabarangay ay naospital partikular na ang mga sanggol.

    Ayon kay Fernando Paraiso, isang tanod ng Brgy. Tibag, dalawang sanggol na may edad dalawa at apat na buwan ang isinugod sa ospital.

    Bukod dito, sinabi niya na ang ammonia leak ay naamoy nila mula alas-11 ng gabi noong Huwebes hanggang umaga ng Biyernes.

    Para naman kay Grace dela Cruz, ina ng apat na buwang sanggol, napansin niyang hindi makahinga ang kanyang anak at hindi makadede kaya’t isinugod nila iyon sa ospital.

    Pinabulaanan din ng mga residente ang pahayag ng mga Nestle na hindi toxic ang ammonia leak.

    Ayon sa mga residente, “kung hindi toxic yun, bakit naospital ang mga bata.”

    Bukod dito, maging si Gob. Wilhelmino Alvarado ay napilitang bisitahin ang nasabi planta at mga residente noong Sabado.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here