Himagsikan ng mga dukha

    527
    0
    SHARE
    MADUGONG HIMAGSIKAN. Ito ang babala ni dating Pangulong Joseph Estrada na maaaring ibunga ng pagpupumilit ng administrasyong Macapagal-Arroyo na baguhin ang Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly o yaong binansagang Con-ass.

    “Those who make a peaceful revolution impossible will make a violent revolution inevitable,” halaw pa ni Erap sa minsang nawika ng Pangulong John F. Kennedy ng Estados Unidos. “Kung ipipilit nila ang Con-ass, baka ito mangyari.”

    Sa pagbigkas ng madugong himagsikan ni Erap, naglaro sa aking diwa ang isang kaganapan matapos siyang mapatalsik sa puwesto noong 2001. Sa aki’y maaring ito ay pangitain ng kanya na ngang nasambit. 


    SILA ANG pinagtaksilan ng kapalaran, hinagkis ng kahirapan, nilait-lait ng lipunan. Wari’y ganap nang ibinaon sa limot pati na ng Maykapal.

    Sila ang mga walang salawal, bungi’t uhugin, sa pange’t anghit ay umaalingasaw. Isinusuka. Pinandidirihan.

    Sila ang mga anak pawis. Mangmang. Iskwater. Kawatan. Adik. Iniilagan. Kinasusuklaman. Walang puwang sa lipunan.

    Silang walang pinag-iba sa kawan ng baka’t kalabaw. Isinisingkaw ni mayor sa mga presinto sa araw ng halalan upang kanilang tanging yamang tangan – ang karapatan sa pagboto – ay mapakyaw. Itinatali’t kinukural ni sarhento sa kalaboso para papanagutin sa bawat kasong idinudulog sa presinto. At kung minamalas-malas ay tigpas pa ang ulo dahil hindi naibigay kay kabo ang parte nito mula sa nakaw na telepono.

    Sila ang mga dukha. Gamit at kasangkapan lamang. Salat sa pagka-tao.

    Sa isang kisapmata, humagkis sa kamalayan ng lipunang Pilipino ang mukha ng mga dukha. Pinukaw ng damdaming gumigiyagis, nagpupuyos, naghihimagsik. Mistulang bulkang sumabog sa kaganapan ng Mendiola noong Mayo 1, 2001.

    Sa isang lipunang salat sa makataong pananaw at damdaming maka-dukha, ang nangyari sa Mendiola ay usbong lamang ng pinaghalong pang-uuto’t pagbayad ng mga pulitiko, epekto ng droga, likas na nasang manakit, manira’t magnakaw. Muli, litaw ditto ang de-kahong pananaw ng lipunan sa mga dukha: kawan ng hayop, adik, kawatan, bayaran.

    Kaya’t ang tinatayang akmang kasagutan ng estado: dahas sa dahas, palo sa palo, bala sa bato, pulbusin ang naghihimagsik, supilin ang anumang natitira pang karapatan.

    Ang estado ay may karapatang ipagtanggol ang sarili laban sa anumang pagkilos na naglalayong ibagsak ito. Subali’t tungkulin din ng estado na suriin ang mga kalagayan at kaganapan na nagbunsod sa pag-aaklas at paghihimagsik.

    Ang himagsikan ng mga dukha ay hindi nagsimula kay Erap Estrada at nagtapos sa Mendiola. Ang himagsikan ng mga dukha ay hindi naka-atang sa balikat ni Enrile at Honasan, o nasasa-kamay ni Lacson at Miriam.

    Ang buod ng himagsikan ng mga dukha ay nasa Payatas, Tondo at katulad na pook-iskwater sa mga kalunsuran, Cebu, Angeles, Cagayan de Oro o Davao man; sa mga tigang na lupain sa Mindanao at mga nagdarahop na baybayin ng Sulu’t Tawi-Tawi; sa mga tubuhan ng Negros at talahiban ng Samar; sa mga lugar na pinaglipatan ng mga biktima ng bulkan sa Pampanga; sa kinalbong kagubatan ng Sierra Madre.

    Ang buod ng himagsikan ng mga dukha ay kalat sa buong kapuluan. Sa mga pamayanang nilimot ng kaunlaran, ibinaon sa kahirapan, pinagkaitan ng pag-asa.

    Ang pagsupil sa himagsikan ng mga dukha ay wala sa pagkulong kay Erap.

    Ang pagsupil sa himagsikan ng mga dukha ay wala sa pagmimisa sa EDSA ni Cardinal Sin o pagro-rosaryo ni Cory Aquino lamang. Lalo nang wala ito sa diskarte ng Makati Business Club.

    Ang pagsupil sa himagsikan ng mga dukha ay wala sa deklarasyon ng state of rebellion ni Gloria Macapagal-Arroyo. Wala ito sa pa-hambog at patuyang “I’ll crush you” ng Presidente.

    Ang pagsupil sa himagsikan ng mga dukha ay nasa pagsupil sa kahirapan. Nasa pagpapahalaga sa kanilang mithiin at pangarap. Nasa pag-usbong muli ng pag-asa sa kanilang mga puso. Nasa pagtrato sa kanila bilang tao. Kapantay at kauri ng bawa’t mamamayang Pilipino. May puwang sa buhay na marangal.

    Dukha man ay may dangal. Iskwater man ay tao din. May damdamin, adhika’t mithiin.



    NASASALAMIN SA siniping sanaysay na aking sinulat bilang Komentaryo sa Sun-Star Pampanga  petsang Mayo 4, 2001 ang paralelismo sa nasambit nga ni Erap kamakailan.

    Ang hakbanging Con-ass ay tunay na pagsupil sa demokratikong karapatan ng mga Pilipino, at paglapastangan sa kanila mismong pagkatao.        

     

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here