HILING NG MGA NEGOSYANTE KAY PNOY:
    ‘Tapusin ang mga infra projects sa Norte’

    371
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Hiniling ng mga negosyante sa pamahalaang pambansa na tiyaking magpapatuloy at matatapos sa takdang panahon ang mga proyektong pang-imprastraktura upang magpatuloy ang kaunlaran sa hilaga ng kalakhang Maynila.

    Ang kahilingan ay itinala sa isang resolusyong pinagtibay ng may 300 negosyanteng lumahok sa dalawang araw 20th North Luzon Area Business Conference na isinagawa sa St. Agatha Resort and Country Club sa lungsod na ito na natapos noong Biyernes, Agosto 12.

    Kabilang sa mga proyektong tinukoy sa resolusuon ay ang Diosdado Macapagal International Airport (DMIA) sa Clark Freeport, Proyektong North Railways, rehabilitasyon ng Macarthur Highway, konstruksyon ng Central Luzon Link Expressway (CLLEx), Dual Seaport at Alaminos International Airport.

    Kaugnay nito, sinabi ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) na naging matagumpay ang kumperensya dahil sa aktibong pakikilahok ng mga negosyante na bumuo ng balanseng resolusyon.

    Konstruksyon ng Lingayen Gulf Coastal Highway, pagpapalawak ng North Rail Project hanggang Pangasinan, pagtatapos ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), konstruksyon ng tunnel road o mono trail na mag-uugnay sa Gitnang Luzon at Cagayan Valley, at konstruksyon ng dagdag na dam sa Magat River na tutugon sa pangangailangan sa irigasyon.

    Ayon sa mga negosyante, kapag natapos ang mga nasabing proyektong pang imprastraktura, higit na kaunlaran ang makakamit ng mga pamayanan sa rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley at Gitnang Luzon.

    Binanggit din nila na ilan sa mga nasabing proyekto ay matagal na dapat natapos at napakinabangan, tulad ng DMIA at NorthRail project.

    Kaugnay nito, sinabi nina Felicito Payumo ng Bases Conversion Development Authority (BCDA), at Ramoncito Fernandez ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na ang pagkakaantala sa NorthRail na nagpapabagal sa kaunlaran ng DMIA at Gitnang Luzon.

    Sinabi nila na hangga’t hindi natatapos ang NorthRail, hindi matutupad ang buong potensyal ng DMIA dahil wala pa ring pasilidad ng transportasyon na mag-uugnay sa nasabing airport at sa Kalakhang Maynila sa loob ng isang oras.

    Bukod dito, sinabi nila na dapat desisyunan ng gobyerno kung gagawing high speed o commuter train service ang NorthRail.

    Nilinaw ni Fernandez na kung magiging high speed ang NorthRail matitiyak na makakarating sa Maynila ang mga pasahero mula sa Clark sa loob ng isang oras.

    Ang pagkakaroon ng isang pasilidad sa transportasyon na titiyak sa isang oras na biyahe sa pagitan ng Kalakhang Maynila at DMIA ay isa sa mga hinihiling ng mga malalaking kumpanya ng eroplano bago nila ilipat sa DMIA ang kanilang operasyon.

    Bilang tagapamahala naman sa 20th North Luzon Area Business Conference, sinabi ng BCCI na naging matagumpay ito.

    Ayon kay Mara Bautista ng BCCI, ang tagumpay ng anumang business conference ay masusukat sa mga gresolusyon ipinasa ng mga lumahok.

    Sinabi niya na naging balanse ang pagbuo ng mga resolusyon dahil sa aktibong pakikilahok ng mga dumalo.

    Lahat ay nagparticipate, kaya hindi lang concern ng Bulacan o certain areas ang nabigyang pansin, kundi concern ng bawat lugar na sakop ng North Luzon na lumahok,” ani Bautista.

    Iginiit pa niya na ang mga kumperensiya na katulad ng NLABC ay nagsisilbing tinig ng mga negosyante.

    “Hindi isang social club o social gathering ang NLABC, it’s the place where businessmen voice out their concern,” ani Bautista.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here