HILING KAY PNOY
    Tanggalin si Paje sa DENR

    512
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Hiniling ng mga environmentalist sa Luzon kay Pangulong Benigno Aquino III na tanggalin sa tungkulin si Secretary Ramon Paje dahil sa hindi niya mapigilan ang korapsyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

    Ang panawagan ay inilabas ng Sagip Sierra Madre Network Alliance (SSMNA) noong Martes, kaugnay ng paggunita sa ikalawang taon ng Save Sierra Madre Day noong Miyerkoles, at ikatlong taon ng pananalasa ng bahang hatid ng bagyong Ondoy noong 2009.

    Sa kanilang dalawang pahinang bukas na liham kay Pangulong Aquino, sinabi ni Fr. Pete Montallana ng SSMNA na “nananawagan po kami sa iyo (Pangulong Aquino) na palitan na ninyo ang kasalukuyang DENR Secretary.”

    Ang kahilingan ng SSMNA ay batay sa pananaw na hindi mapigil na korapsyon sa DENR na tinawag nilang “Department of Extinction of Natural Resources”

    Hiniling din ng SSMNA sa Pangulo na igalang ng gobyerno ang karapatan ng mga katutubo.

    Binatikos din ng SSMNA ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) nang kanilang sabihin na “ang NCIP ay pinonduhan ng pamahalaan upang ipagtanggol ang mga katutubo at hindi upang pagsamantalahan ang kanilang kahinaan.”

    Bukod dito, hiniling din ng grupo sa Pangulo na “patigilin na po ang napakaraming delaying tactics na ginagamit ng mga kawani ng pamahalaan bago aksyunan ang mga reklamo para pagkaperahan ang kalikasan.”

    Ilan pa sa mga kaso na inihayag ng SSMNA ay ang di mapigil na black sand mining sa lalawigan ng Cagayan sa kabila ng atas ng DENR na patigilin ito.

    Bukod dito, wala raw permiso at Free Prior Informed Consent (FPIC) ang pagmimina sa Dinapigue, Isabela na tinututulan ng mga katutubo.

     Ayon pa sa SMMNA, labag naman sa proseso ang FPIC ang implementasyon ng Ilagan-Divilican Road Project sa Isabela.

    Sa Casiguran, Aurora, iniulat ng SSMNA na sunod-sunod ang pagpapawala sa mga nahuling trak na humahakot ng mga kahoy na pinutol ng illegal.

    Hinggil naman sa kabundukan sa Nueva Ecija at Bulacan, inilahad ng SSMNA na patuloy ang pagkakalbo na nagiging sanhi ng paglubog sa baha ng Bulacan, Pampanga at Kalakhang Maynila.

    Sa lalawigan ng Quezon, ibinulgar ng SSMNA na walang Environmental Compliance Certificate (ECC) ang mga itinatayong dam.

    Kabilang dito ay ang centennial dams na kinabibilangan ng Angat- Umiray Transbasin, Sumag River Dam, Kanan River Dam at Laiban Dam.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here