Home Headlines Higit 170 resorts sa Bataan sarado

Higit 170 resorts sa Bataan sarado

856
0
SHARE

Balot sa katahimikan ang dati’y masiglang Raven Resort. Kuha ni Ernie Esconde 


 

BALANGA CITY — Ipinagbigay-alam ngayong Lunes ng provincial tourism office na pansamantalang nakasarado ang lahat ng inland at beach resorts sa 11 bayan at isang lungsod sa Bataan bunsod ng pagpapairal ng modified enhanced community quarantine sa buong lalawigan.

Sinabi ni tourist receptionist Paula Gayeta na ipinatupad ni provincial tourism officer Alice Pizarro ang utos ni Gov. Albert Garcia tungkol sa tagubilin ng national Inter-Agency Task Force na hindi pinapahintulutang magbukas sa ilalim ng MECQ ang mga tourist destinations.

Batay sa desisyon ni Pangulong Duterte sa rekomendasyon ng IATF, sasailalim sa MECQ ang Bataan mula Hunyo 16 hanggang Hunyo 30, 2021 dahil sa pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease sa lalawigan.

“Lahat ay sarado. Nasa 170 or more ang lahat ng beach at inland resort sa Bataan,” sabi ni Gayeta.

Sa bayan ng Samal, agad pinulong ni Mayor Aida Macalinao ang mga may-ari ng inland resort tungkol sa pansamantalang pagsasara ng mga ito.

Sa Raven Resort sa bayan ng Abucay at sa Fajardo’s Beach Resort sa tabi ng West Philippines Sea sa Bagac ay bakante ang mga cottages.

Ang dinadayong pinakamalaking slide sa Raven Resort, palaruan at naggagandahang cottages ay mga nakatiwangwang lamang.

Ayon kay Leony Hernandez, Raven Resort manager, nagsarado sila simula ng lockdown noong Marso 2020.

Kahit, aniya, accredited sila ng Department of Tourism at puwede sanang magbukas noong nasa modified general community quarantine ang Bataan, hindi rin sila nag-operate para na rin sa safety protocol at sa hangarin nilang hindi magkahawa-hawa ang mga tao.

Sa halip na magbukas at tumanggap ng mga bisita, hindi nila inisip ang kumita at bagkus binuksan ang kanilang hotel rooms upang maging quarantine ng mga frontliners. “Libre ito sa mga medical frontliners na tumagal ng isang taon,” sabi ni Hernandez.

Marami, aniya, ang tumatawag sa kanila kung magbubukas na sila pero sinasagot nila na hindi pa at mahalaga sa kanila ang sumunod sa itinatakdang safety protocol.

“Magbubukas kami kapag sinabi na okay na ang lahat at hindi na nakakahawa ang Covid – 19,” dagdag ni Hernandez.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here