Hindi balakid sa mga kandidato sa bayan ng Hagonoy, Bulacan ang init ng araw at tubig baha na hatid ng high tide. Kuha ni Dino Balabo
HAGONOY, Bulacan—Bago pa sumikat ang araw ay gising na si Eloy Balatbat at habang nagkakape ay nirerebisa na niya ang mga nakatakdang gawin sa buong araw.
Pagkapaligo, isinuot na niya ang kanyang dilaw na damit na de kuwelyo na may nakasulat sa kaliwang dibdib na “5 Eloy Balatbat” at sa ilalim nito ay nakasulat ang salitang “konsehal”, ang posisyon kung saan siya ay kandidato.
Bilang isang indipendienteng kandidato sa bayang ito, halos araw-araw ay nagsasagawa ng kampanya sa bahay-bahay si Balatbat kasama ang mga kaibigan at ilang taga-suporta.
Katulad ng ibang kandidato, hindi sapat ang init ng araw at ang malalim na tubig na hatid ng high tide na nagpapalubog sa maraming barangay sa bayang ito.
“Sombrero lang pang-tapat namin sa init, baka ma-heat stroke,” sabi ni Balatbat ng nakangiti habang ipinakikita ang boteng tubig na baon niya sa kampanya.
Katulad ng kanyang mga kapwa indipendienteng kandidatong konsehal na sina Norman Alvarado, Boy Sullivan, Norberto Clavio, at Linda Payongayong, at kandidatong bise alkalde na si Kenneth Bautista, handa rin si Balatbat na maglusong sa tubig, partikular na sa mga looban.
Dahil dito, sa halip na sapatos at pantalon ang kanyang isuot ay palagi siyang naka-sandal at cargo shorts.
“Kailangan ay laging handa at adaptable tayo sa sitwasyon,” aniya at iginiit na bilang isang indipendienteng kandidato, kailangan niyang sipagan at pagbutihin ang kampanya upang makapasok sa walong posisyong nakahanda bilang konsehal ng bayan.
Inayunan din ito ni Pedro Santos, isang indipendienteng kandidato sa pagka-bise alkalde sa bayang ito.
Ayon kay Santos, hindi dapat maging sagabal sa kampanya ang init ng araw at ang malalim na tubig na hatid ng high tide.
“Walang magawa kungdi harapin ang init,” ani Santos na nagsabi pa na ang kanyang kampanya ay karaniwang isinasagawa mula alas-7 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali at mula alas-3 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Inayunan din ito ni Ambrosio Cruz,ang dating alkalde ng bayan ng Guiguinto na muling magtatangka na makabalik bilang alkalde.
Ayon kay Cruz, “Just imagine na nasa sauna bath ka and enjoy it.”
Bukod sa pagtanggap sa kalagayan na talagang mainit ang panahon,may iba pang solusyon sa init si Dan Daez, isang kandidatong konsehal sa Lungsod ng Meycauayan.
Bilang dating alkalde ng Meycauayan, si Daez ay isa sa pinakamatandang kandidato sa nasabing lungsod.
Dahil dito, sinabi niya na lagi siyang may dalang bote ng tubig.
“I have to keep drinking to keep my body cool,” ani Daez.
Ayon kina Dr. Elmer Villareal at Dr. Roberto Ramirez, isang kandidatong alkalde sa bayan ng Bulakan, ang kakulangan sa tubig sa katawan ay maaaring maging sanhi ng pagkakasakit.
Ang kalagayang ito ay naranasan ng mga indipendienteng kandidatong konsehal sa Hagonoy na sina Soledad Santos at Benedicto Centeno.
Ayon kay Santos, napilitan siyang tumigil sa pangangampanya sa loob ng isang araw dahil sa pagod.
Sinabi naman ng isang taga-suporta ni Centeno na napilitan silang magpahinga sa kalagitnaan ng kampanya sa Barangay Pugad dahil sa init ng panahon.
Ito ay dahil sa may edad na rin si Centeno.
Upang makaiwas naman sa init,karaniwan sa mga kandidato sa lalwigan ay dumadalo sa mga talakayan at mga pulong kung gabi.
“Iwas muna sa init kaya after 3 p.m. na kami nagbabalik sa campaign,” ani Eric Tanjuan, isa sa mga taga-suporta ni Dax Uy, isang kandidatong bokal sa unang distrito ng Bulacan.
Gayundin ang naging pahayag ni Eugene Geronimo,isa samga taga-suporta ng reeleksyunistang bokal na si Felix Ople.
Ngunit para sa indipendienteng kandidatong bokal ng unang distrito na si Jose Cundangan,kahit mainit ay kailangang ituloy niya ang kanyang pangangampanya.
Ito ay dahil sa napag-iiwanan daw siya sa mga survey.