BALAGTAS, Bulacan – Upang matiyak ang kaligtasan sa lansangan, gumagamit ngayon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng isang van sa pagsusuri ng mga pambansang lansangan.
Ang nasabing van ay may nakakabit na laser sa ilalim, walong camera sa paligid at ilalim, bukod sa mga computers na ginagamit sa pag-iipon ng impormasyon at pagsusuri ng kalagayan ng mga lansangan sa bansa. Umabot na sa 3,000 kilometro ng pambansang lansangan ang nasuri ng nasabing van.
Ayon kay Kalihim Rogelio Singson ng DPWH, ang mga impormasyong maiipon ng van ay gagamitin ng pamahalaan sa susunod na taon para ikumpara ang kalagayan ng mga lansangan sa pamantayang gamit sa ibayong dagat.
Ayon sa kalihim, ito ay isang hakbang upang mataas ang kalidad at antas ng kaligtasan sa mga lansangan sa bansa na bahagi ng kanilang safer road program.
“We are using a van equipped with laser technology, cameras and computers to capture data on all national roads in the country,” ani Singson.
Kabilang sa mga impormasyong tinitipon ng van ay ang sukat ng lapad at sukat ng shoulder ng kalsada, maging ang sukat ng layo sa magkabilang gilid ng kalsada ng mga ng lane markings.
Bukod dito, nagtitipon din ng impormasyon ang van hinggil sa kinis ng kalsada at mga sagabal doon.
“This is our first step in adapting international standards on our national roads, and so that we can keep our roads safer,” ani ng kalihim sa panayam ng Punto matapos ang pagpapasinaya sa Balagtas Interchange na matatagpuan sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagai ng Barangay Borol 1st sa bayang ito kamakailan.
Bilang kalihim ng DPWH, inihayag ni Singson ang isang malungkot na kalagayang kaniyang natuklasan: Hindi ligtas sa mga pedestrian ang mga lansangan sa bansa.
“We realized na gawa ng gawa ng kalye and DPWH without consideration to the safety of pedestrians,” aniya at sinabing maraming tao na ang namatay matapos nasagi ng sasakyan habang naglalakad sa kalsada.
Ang iba naman ay namatay kahit nasa gilid na ng kalsada o kaya ay nasa loob ng kanilang bahay sa nasa tabi ng lansangan.
Hindi rin inilihim ni Singson ang kadahilanan kung bakit sa gitna ng kalsada naglalakad ang maraming tao.
“Kadalasan ay gawa sa graba yung shoulder, kapag umulan ay may tubig o maputik, kaya sa gitna ng kalsada dumadaan ang mga tao.
“We are adopting new measures to improve safety of our national road, through the help of modern and new technology,” ani Singson.
Sa kasalukuyan, sinabi niya na naghahanap pa sila ng dagdag na pondo para sa isa pang katulad na van na magagamit para sa mas mabilis na pag-iipon ng impormasyon at pagsusuri ng kalagayan ng mga kalsada.
Ang van na kasalukuyang ginagamit ng DPWH ay donasyon ng mga bansang South Korea at Japan, kabilang ang teknolohiyang gamit doon.