Buhay ba ang kailangang mawala
Bago magsikilos ang lider ng bansa
Sa kaguluhan na sumambulat bigla
Sa isla ng Sabah na ugat ng hidwa?
Ang mga kapatid nating mga Muslim
Sa kasalukuyan puso’y naninimdim
Mga mukha nila’y biglang nangulimlim
Dahil sa hidwaang di nila maatim
Sila na payapa ang paninirahan
Sa isla ng Sabah, na nahintakutan,
Nagsilikas sila sa sariling bayan
Dahilan sa gulo na ibig takasan
Ang usapin hinggil sa isla ng Sabah
Isang suliraning napakatagal na
Pinag-aagawan at ibig makuha
Nitong ating bayan at bansang Malaysia
Sa puntong sino ang tunay na may-ari
Sa islang nabanggit ay di pa mawari
Ano ba ang dapat gawin kung sakali?
Kung atin nga ito pa’no mababawi?
Sa nangyari ngayon lalo pang iigting
Ang pagnanais na ito ay maangkin
Ng bansang Malaysia kundi aayusin
Ang usapin dito ng gobyerno natin
Ng dahil sa gulong dito ay sumiklab
Ang bawat isa ay pwedeng magmatigas
Walang paaapi at walang aatras
Tensiyong idinulot ay lubhang maalab
Sapagkat mahirap ayusin ang gusot
Kapagka sa puso naroon ang poot;
Lalong sumisidhi ang mga sigalot
Kapag pati buhay ng tao ay sangkot
Katulad na lamang sa nagdaang araw
Ang mga nagluksa’y hindi magkamayaw
Magpa-hanggang ngayon sila’y namamanglaw
Dahil ang pag-asa’y di pa natatanaw
Winalang bahala kaya ng gobyerno,
Ngayon lang kikilos kung kailan may gulo?
E aanhin pa ba ang maraming damo
Kung patay ng lahat ang mga kabayo?….
Vhelle V. Garcia
March 11, 2013
United Arab Emirates