LUNGSOD NG MALOLOS — Sinibak sa pwesto ang chief of police sa bayan ng San Rafael matapos ang magkakasunod na insidente ng pagpaslang sa mga opisyal ng barangay sa loob ng halos isang buwan.
Tinanggal si Supt. Laurente Acquiot at pinalitan ni Supt. Sonny Andaya at naka-double alert status na rin ang buong kapulisan dito. Ayon kay Senior Supt. Romeo Caramat, director ng Bulacan PNP, may one strike policy ang PNP sa ganitong insidente kaya’t agad na sinibak sa pwesto si Acquiot.
Sa ngayon ay paiigtingin ang seguridad sa San Rafael upang hindi na maulit ang magkakasunod na insidente ng pamamaril.
Ayon kay Caramat, nakikita nilang magkakaugnay ang motibo sa mga insidente ng pamamaril sa nasabing bayan.
Sa ngayon nakatakda silang magtatalaga ng aabot sa 200 pulis sa San Rafael dahil sa sunod-sunod na pamamaril sa mga opisyales ng barangay. Aniya, sa bawat sulok ng bayan ay maglalagay sila ng checkpoint.
Nakikipagugnayan na sila sa pamunuan ng Comelec upang maideklarang election hotspot ang naturang bayan. Mayroon na daw silang persons of interest sa pagkakapatay kay Kapitan Rodrigo Rodriguez ng Barangay Mabalas- balas nitong Sabado.
Ngunit nitong Lunes ay pinaslang naman ang 77-anyos na dating kapitan ng Barangay Salapungan na si Rodolfo Venturina at sugatan ang asawa at kasambahay nito.
Ani Caramat, maituturing pa rin na isolated case lamang ang mga insidenteng ito ng pamamaril at hindi dapat na mabahala ang publiko sa darating na eleksyon.
Dadagdagan aniya ng pwersa ng kapulisan ang buong bayan ng San Rafael para ma-secure ang peace and order sa lugar.
Ayon pa sa kanya, sa umpisa pa lamang ng election period ay naka-full alert na ang buong bansa at sa pangyayaring ito sa lalawigan ay double alert ang kanilang hanay.
Samantala, bukod kay Venturina at Rodriguez ay patay din sa pamamaril noong nakaraang Biernes Santo ang barangay kagawad ng Mabalas- balas na si Jaime Vassallo.