CABANATUAN CITY – Isang heneral ng Bureau of Fire Protection (BFP) mula sa lalawigan ng Nueva Ecija na tumulong sa pagbibigay proteksiyon sa mga sundalo at sibilyan sa kasagsagan ng Marawi Siege at sa panahon ng pagbangon ng lungsod at isang Philippine Army Battalion ang nanguna sa mga ginawaran ng Gawad Kalasag (GK) sa Northern Mindanao ng Regional Disaster Reduction and Management Council (RDRRMC) kamakailan.
Ipinagkaloob kay Chief Supt. Domingo Tambalo ng lungsod na ito ang Gawad Kalasag Heroic Act dahil sa kanyang “exemplary performance beyond the call of duty and unparalleled support during the response and rehabilitation phase” bilang regional director ng BFP 10 mula 2016 hanggang 2017 sa 20th Gawad Kalasag Regional Awards na ginanap sa Grand Caprice restaurant Cagayan De Oro City.
Matatandaan na sa panahon ng Marawi Siege noong Mayo 2017, nagsagawa ng malawakang operasyon ang BFP 10, kabilang na ang pagsasagawa ng checkpoint sa mga pangunahing pasukan at labasan sa lungsod, upang matiyak na walang mga kemikal na pasabog at bomba na maipapasok ang mga terorista.
Nitong Sabado ay ikinuwento ni Tambalo kung paano nahirapan maging ang kanyang mga tauhan para matiyak ang seguridad ng mga puwersa ng gobyerno at sibilyan kaya todo ang kanyang pasasalamat sa pagkilalang ipinagkaloob na parangal ng RDRRMC na kanyang iniaalay sa lahat ng mga kawani ng nasabing tanggapan.
“Talagang sinuong naming ang panganib na halos nakikikita mo na ang kamatayan pero buong tapang na gagampanan natin ang ating tungkulin,” sabi ni Tambalo.
Pinagkalooban rin ng Heroic Award ang Philippine Army Engineering Support Battalion, 52nd Engineering Brigade dahilan sa matagumpay na pagliligtas ng 230 katao sa pananalasa ng bagyong Vinta.
Ginawaran naman ng pagkilala ang Misamis Occidental PDRRMC – 1st Place for Best Local DRRMC (Provincial Level); Lanao del Norte – 2nd Place for Best Local DRRMC (Provincial Level); Cagayan de Oro CDRRMC – Best LDRRMC (Highly Urbanized City); Valencia CDRRMC – Best LDRRMC (Component City); Kapatagan, Lanao del Norte, MDRRMC – Best in MDRRMC (1st to 3rd Class); Bacolod, Lanao del Norte, MDRRMC – Best in MDRRMC (4th to 6th Class); Demologan, Bacolod, LDN, BDRRMC – Best in BDRRMC (Barangay Level); Oro Rescue, Cagayan de Oro – Best in Government Emergency Response Management; Brgy. 18 Child Development, Gingoog City, Misamis Oriental – Best in Early Learning Center; Mayor Hilarion Ramiro Sr. Medical Center – 1st Placer, Best Hospital; Northern Mindanao Medical Center – 2nd Placer, Best Hospital; and Ecosystems Work for Essential Benefi ts – Best Civil Society Organization.