Hataw ng kabobohan

    4203
    0
    SHARE

    GOB PANLILIO: WALA PA RING PAKIALAM SA MGA BALAS BOYS

    Sapat na po para sa aming mga BALAS Boys ang mahigit na 30 araw na ipabatid at iparamdam muli sa Gobernador ang aming mga karaingan sa kanyang aroganting administrador. Isa man sa aming mga sinabi o ipinahayag sa kanya ay wala po siyang naging aksiyon. Patuloy pa rin po ang kanyang pagkikibit-balikat sa aming mga karapatan. Hindi po namin maramdaman ang kanyang pagiging tunay na pinuno ng ating probinsya. Hindi po namin alam kung ano ang hindi niya kayang talikuran o kinatatakutan sa kanyang Administrador.

    Sa mga sinasabi po niyang mga imbitasyon para sa dialog, wala pong imbitasyon na nakaabot sa aming picketline. Hindi po niya kami masisisi kahit mag-imbita siya ng dialog ay hindi na rin kami pupunta hanggang nandiyan pa rin ang kanyang administrador at pangalawa, wala po siyang tinutupad samga napag-uusapan saksi po diyan ang mga pinuno ng ilang Civil Society Groups. Isang halimbawa na po rito ang hindi niya pagtupad sa pinag-usapan sa SACOP. Hindi po namin lubos matarok kung bakit pa niya kailangang marinig and recording  ng dialog doon sa SACOP kahit mga taga-civil society o malalapit na sa kanya ang mga nagsasabi na ang pinag-usapan ay unconditional reinstatement at ibapa…

    Noong una, pilit po naming pinoprotektahan ang Gobernador sa ginawang demotion ni Vivian Dabu pero pagkatapos po ng ilang pag-uusap kasama  po ang mga miyembro ng mga Balas Boys at ilang mga taga-suporta na panahon na para ipaalam sa ating Gobernador:
    a)    na malaki ang pagkukulang bilang isang pinuno ng probinsya.
    b)    na hindi niya kayang gumawa ng desisyon ayon sa boses ng nakararami,
    c)    na kaya niyang magsinungaling para maprotektahan ang kanyang administrador,
    d)    na kaya niyang iwanan ang kanyang probinsya kahit may malaking problema (e.g. pagpunta sa Cebu noong Hulyo 12-13 at pagpunta sa USA noong Sept. 5),
    e)    Na hindi siya ang tumatayo o nagdedesisyun bilang Gobernador.

    TAMA NGA PO! HINDI PO SI VIVIAN DABU ANG PROBLEMA! NALULUNGKOT PO NAMING IPABATID NA SI GOB. EDDIE PANLILIO ANG PROBLEMA.
     

    ANG TAGHOY at panambitan ng mga nag-aaklas na Balas boys ay ating binigyan ng buong pagsisiwalat dito sa kahilingan na rin ng aking kapatid sa seminaryo, upang maibsan man lamang kahit na papaano ang kanyang mga hinanakit sa akin. Na wala na raw akong ginawa kundi tawagin silang “bobo” sa tuwinang akin silang nababanggit.

    Kaya sa pamamagitan ng kanilang pahayag na buo nating sinipi sa itaas ay maipapakita nila’t maipapadama sa balana ang kanilang nararamdaman, ang kanilang sinapit sa kamay ng Gobernador. At maipakita na ring hindi sila bobo, kundi may iwing katalinuhan.

    At kanila na ngang ipinapaalam sa Gubernador – at sa madla – ang  kanyang mga pagkukulang sa pamumuno, ang kawalan ng desisyun, ang kakayahan nitong magsinungaling pagdating sa isyu ni Dabu, at ang kasalatan sa pagmamalasakit sa mamamayan sa kanyang paglipad-lipad sa iba’t ibang lunan sa kabila ng mga suliranin sa lalawigan.
    Ano ang bago rito? Ang mga ipinahayag ng mga Balas boys ay matagal nang alam ng madlang Kapampangan. Kaya nga ba umaalimpuyo ngayon ang usaping RECALL, at humuhugos na parang delubyo ng lahar ang mga pumipirma sa petisyon ng pagtatanggal kay Panlilio mula sa kapitolyo.

    “Tama nga po! Hindi po si Vivian Dabu ang problema! Nalulungkot po naming ipabatid na si Gob. Eddie T. Panlilio ang problema!”

    “It’s not Dabu, bobo.”  Sa wakas, natumbok na rin ninyo.

    Sa puntong ito, sumariwa sa aking kaisipan ang isang kamulatan noong aking kabataan, at naisulat na rin ng kung ilang beses: Hindi mangmang ang masa. Sila’y pinagkaitan lamang ng akmang pagkakataon upang ganap na umusbong ang kanilang katalinuhan; pagkakataong sinupil ng hagkis ng kahirapan at hataw ng pang-aapi’t pagsasamantala.

    Ilapat natin ito sa kaganapang ating pinag-uusapan: Hindi bobo ang mga Balas boys. Sila’y pinagkaitan lamang ng madaliang pang-unawa bunga ng kanilang pagsamba sa dinidiyos na Gubernador; pagsambang lalo pang lumambong sa kanilang katalinuhan sa hagkis ng mga pambubuyo ng mga alipores ng kanilang diyos-diyosan at sa hataw ng mga mapagsamantalang interes.

    Ang tanong sa Balas boys: Ngayong namulat na kayo, ano ang gagawin ninyo?

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here