Home Headlines Harabas muling nanalasa sa sibuyasan sa NE

Harabas muling nanalasa sa sibuyasan sa NE

554
0
SHARE
Nagsagawa ng biglaang field inspection ang agriculture officials sa sibuyasan ni retired police Col. Ricarado Villanueva sa Palayan City. Contributed photo

BONGABON, Nueva Ecija — Napipilitan ngayon ang ilang magsisibuyas sa bayang ito na anihin ang kanilang pananim nang wala sa panahon upang makaiwas sa pananalasa ng harabas o armyworm.

Ayon kay Mayor Ricardo Padilla, hindi lahat apektado subalit lubhang napakabilis lumaganap ang harabas na ilang taon na ring nakaaapekto sa kanilang sibuyasan.

Maging siya ay napilitang umani kahit wala pa sa tamang laki ang bunga ng kanyang sibuyas sa pitong ektarya niyang taniman na matatagpuan naman sa kalapit na Palayan City.

“Kaysa walang pakinabangan kahit konti ay may mapakinabangan,” ani Padilla.

Isa si Evie Alipio ng Barangay Pesa rito sa mga naapektuhan ng armyworm. Bukod ss kanilang barangay ay labis aniyang nasira ang mga tanim na sibuyas sa kanugnog na Barangay Tugatog.

“Surrender na po ang mga magsasaka sa amin,” ani Alipio.  Ni hindi umano nagawang maglaman ng kanilang sibuyas.

Kaugnay nito ay isinusulong ni Padilla ang agarang pagtatayo ng isang onion institute upang kumprehensibong mapag-aralan ang mga salot sa sibuyas bilang isang pangunahing sangkap sa pagkain ng mga Filipino.

“Bakit sa ibang bansa ay wala niyan?” tanong ng alkalde. Kamakailan ay bumisita si Padilla at ilan pang opisyal ng mga bayan na nagpo-produce ng sibuyas sa China.

Sa China, aniya, ay sinusuri maging ang klase ng lupa at ang binhi na babagay doon.

Hindi aniya nangyayari ito sa bansa lalo’t lahat ng binhi ng sibuyas ay imported. Kung ano ang dumating na klase ng binhi ay napipilitan umano ang magsasaka na yaon ang itanim kahit ano pa ang uri ng lupa.

Cycle ang pananalasa ng armyworm, paliwanag niya, subalit hanggang sa ngayon ay wala pang tiyak na pamuksa rito.

Kamakailan ay nagbigay ng lason ang Department of Agriculture ngunit wala pa raw nakatitiyak kung gaano ito ka-epektibo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here