Home Headlines Haplos ng drama sa Xmas lights switch-on sa Dinalupihan 

Haplos ng drama sa Xmas lights switch-on sa Dinalupihan 

1183
0
SHARE

Mga larawng kuha ni Ernie Esconde


 

DINALUPIHAN, Bataan — May haplos ng drama ang switch-on ceremony ng mga kaakit-akit na Pamaskong palamuti sa plaza ng bayang ito Biyernes ng gabi.

HInintay munang huminto ang 10 beses na pagkalembang ng kampana bago lumakad ang mga department heads ng munisipyo at iba pa na hawak ang mga sinindihang kandila. Tanging mga kandila ang nagsilbing liwanag sa plaza.

Habang tumutugtog ng Christmas songs ang Jose Depiro Kabataan Orchestra, nagtipon-tipon ang mga department heads paikot sa dadaanan ni Dinalupihan Mayor Maria Angela “Gila” Garcia at ang pari ng Parokya ni San Juan Bautista, si Padre Santos de Tablan.

Nagdasal ang pari habang hawak ng mayor ang imahe ng batang Hesus. Pagkatapos ng dasal, lumakad ang pari kasabay ang mayor sa gitna ng mga department heads na hawak pa rin ang mga sinindihang kandila.

Patuloy ng pagtugtog ng Christmas songs ang orchestra hanggang sa maihatid ng mayor at pari ang imahe ng batang Hesus sa belen.

Matapos mailagak sa belen ang imahe, pinatay ang sindi ng mga kandila kaya nabalot sa dilim ang buong paligid at nagsimula ang countdown sa pagbubukas ng mga Christmas lights.

Pagsapit sa bilang na sampu, bumulaga ang mga nagniningning sa liwanag ng naggagandahang Christmas decor tulad ng belen, Christmas tree, hugis reindeer na LED lights, fountain at iba pa. Binasbasan ang mga ito ng pari.

Maraming tao ang sumaksi na halos walang tigil sa kuhanan ng litrato.

“Matagal na panahon na tayo ay nasa kadiliman ngunit sa pakikipagtulungan ng bawat isa lalong-lalo na ang ating mga medical and barangay frontliners, tayo ngayon ay medyo nakakarecover na mula sa ating pinagdadanang pandemya,” sabi ni Congressman Jose Enrique Garcia III sa kanyang maikling mensahe.

“Hopefully anomang krisis na dumating sa ating buhay tandaan natin na nandito tayo. Pasko ngayon, sana po Pasko araw-araw para sa ating bayan. Ang ilaw maraming katangian. Ang ilaw ay liwanag tuwing madilim, ang ilaw tuwing malamig ay nagbibigay ng init o warmth at ang ilaw ay nagbibigay ng pag-asa para sa ating lahat,” pahayag naman ni Mayor Garcia.

Hinikayat ng mayor ang kanyang mga kababayan na maging maingat at ligtas dahil, aniya, hindi pa rin nakakalampas sa pandemya dulot ng coronavirus disease.

“Welcome ang lahat sa plaza pero mag-ingat at laging proteksyunan ang mga kaanak lalo na ang mga anak,” sabi ni Mayor Garcia.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here