Hanggang kailan magtitiis sa pag-sirit ng langis?

    429
    0
    SHARE
    Tama’t hindi tayo ang dapat dumikta
    Dahil ang langis ay produkto ng iba,
    Pero ang Pinas ay nakatityak ba,
    Na di ‘overpriced’ ang kanilang paninda?

    O di nilalabag nitong alin pa man
    Sa tatlong ‘big players’ ng industryang iyan,
    Kasama pati na ang mga baguhan,
    Ang batas hinggil sa bagay na naturan?

    Malay natin, baka sumirit man ito
    Ng lima o sampung piso bawat litro
    Ay mahigit pa rin sa treynta porsyento
    Ang kita ng alin man sa unang tatlo.

    At kahit magulo sa parteng ‘Middle East’
    Partikular na sa Libya at sa Egypt,
    May mapagkunan pa naman din ng langis
    Gaya nitong Saudi Arabia at Kuwait.

    At iba pang bansang langis din kumbaga
    Ang ika nga’y pinaka-‘main products’ nila
    Na may sapat pa ring langis upang sila
    Itong mapagkunan natin ng enerhiya.

    Istratehiya lamang marahil ng Caltex,
    Ng Petron at ng Shell o ng ibang Players,
    Na yan ay bunsod ng itong ‘foreign market’
    Ang may pakana ng pag-sirit ng ‘prices’

    At posibleng tayo’y ginogoyo lamang
    Ng mga may kartel nitong produktong yan;
    Kung kaya’t lahat ng puedeng idahilan
    Ay siyang palagi nang isinasangkalan.

    Upang kumita sa paraang di patas
    Di baleng ang kapwa-tao ay maghirap
    Na siyang karaniwang ngayo’y nagaganap
    Sa kamay ng mga higanteng may hawak. 

    At kung saan kahit kumita ng doble
    Ay di pa masaya itong utak buwitre,
    Na wala nang tangi pang iniintindi
    Kundi kapakanan lang na pangsarili.

    At ang isang katusuhang masasabi,
    Partikular na riyan sa bantog na ‘Big 3’
    Ay ang malimit pa nilang pagsasabi
    Na sila diumano yata’y nalulugi;

    Kapag di kaagad nakapag-taas yan
    Ng pisong dagdag o ilang sentimos lang
    Kapagka ang presyo ng pandaigdigang
    Suplay ng langis ang biglang pinatungan.

    Gayong sa isang ‘instant’ lang nilang pagtaas
    Millions of pesos na ang kita n’yan agad,
    Sa dahilang pati dati nilang ‘stock’
    Ay sa bagong presyo na rin itutulak.

    Kaya’t kabobohang ating maituturing
    Ang maniniwala sa ganitong klaseng
    Pahayag na anhin man nating suriin
    Ay panloloko na sa gobyerno natin.

    Kaya sa puntong yan, ating hinahamon
    Itong magagaling na nasa posisyon,
    Na yan ay gawan ng kaukulang aksyon
    Sa pamamagitan ng imbestigasyon.

    At siyento porsiyentong ating malalaman
    Ang totoong kita ng alin man po riyan
    Sa ‘books of accounts’ na iniingatan niyan
    Na di nasusuri ng pamahalaan!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here