NAGING ‘viral’ itong ginawang paghamon
ng isang ‘netizen’ na ang tawag ngayon
sa kinaaniban niyang organisasyon
ay LGBT ba, na kakaibang paksyon.
Ng mga millennial at may edad na rin
na noon ang tawag ay bakla o bading,
tomboy, syoki ba o mga alanganin,
kung pangalanan ng kaedad po namin.
Ang isyu ay hinggil sa sila ay medyo
kinanti ni Pacman ang kanilang grupo,
na nagresulta sa ganting tugon nito,
hinamon si Manny, (pero hindi duelo);
Kundi nang debate – na di mo makapa
ang baba n’yan habang siya’y nagsasalita;
at mangani-ngani na niyang ipamukha
kay Pacquiao ang siya’y sobrang yabang yata.
Damay pati na rin si Aling Dionisia
na tuwirang sinabihang ‘immoral’ siya,
sa pagpatol nito sa kinakasama,
(na kalahati lang yata ng edad niya?)
Kung mayroong labag sa batas o wala
sa pinagsasabi ng kung sinong (bakla?),
na sige-sige lang ang pagsasalita
ng hindi maganda siya na ang bahala!
At idimanda mang ‘oral defamation’
o anumang kaso, wala na tayo r’on,
kundi ang atin ay kumbaga sa miron
(sa sugalan) baka matapunan ng tong.
At ang tangi lang din nating masasabi
iakma naman sana sa kanyang sarili
(ni Pacman) ang nais na marating pati,
nang di siya maging tampulan ng siste.
Na lubha naman din na napakataas
ang ‘day-dream’ nito na di bagay sa antas
ng kanyang tinapos, na di naka-akyat
man lang sa ‘tertiary’ hahabol at sukat?
Walang duda, na siya ay naging Congressman,
Senator at siya’y pangulo pati riyan
ng PDP Laban, pero di sapat ‘yan,
para ipakita’ng kanyang kakayahan.
Kung itong ‘lawyer’ na’t mga doktorado
sa natapos n’yan na ano pa mang kurso,
napintasang gaya ng mga Aquino,
siya pa, na bagaman isang bilyonario;
Ang di mapintasan na kagaya ngayon
ni Manny Pacquio nga sakali’t ituloy
ang kanyang pagtakbo sa Mayo; at sa June
30, mauupo – kapalit ni Digong?
Hindi sa siya’y atin pong minamaliit
at tinitiyak na posibleng manganib
matalo – kundi ang ‘may the best candidate’
sana ang mapili na maging ‘president’.
At ang ating naging pahayag ituring
na lamang nito na paalala ni’ring
inyong abang-lingkod sa ikagagaling
ng kanyang sarili sakali’t palarin.
At maging sinuman itong makapalit
ni Digong sana ang lahat na ng ‘promise’
na di tinupad ni RD, siya’ng pilit
magpatupad upang ang lahat bumilib?!