Home Headlines Hamak

Hamak

828
0
SHARE

MERON BANG mabuti na pwedeng manggaling sa Nazareth? Ito ang sagot ni Nataniel kay Felipe nang sabihan siya nito na natagpuan na nila ang Mesiyas. Ibig sabihin, ito ang reputasyon ng mga “Nazareno” para kay Nataniel.

Kaya nagtataka ako kay San Mateo. Sa dulo ng kwento niya tungol sa pagtakas ng Sagrada Pamilya sa panganib na dulot ni Herodes sinasabi niya sa v.23 na “nanirahan sila (ang Sagrada Pamilya) sa bayan ng Nazareth.” Kaya daw “natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin siyang ‘Nazareno’.”

Ewan ko kung saan ang tinutukoy niyang kasulatan ng mga propeta na natupad daw nang manirahan si Hesus sa bayan ng Nazareth. Wala akong makita ni isang linyang ganito ang sinasabi sa Lumang Tipan. Isang linya na nag-uugnay sa pagiging “Nazareno” ni Hesus bilang tatak ng karangalan o kadakilaan.

Ang susunod na taong magbabansag kay Hesus bilang “Nazareno” ay si Poncio Pilato na. Iyun ang N sa karatulang INRI na nilagay sa krus sa ibanaw ng ulo nya. Sa Latin: Iesus Nazarenus, Rex Iudaeorum (Hesus na Nazareno Hari ng mga Hudyo). At doon hindi rin parangal ang kahulugan nito kundi insulto, panghahamak. Kung Tinagalog ito, baka nilagyan ng DAW o ng Cebuanong KUNO. “Hari Daw ng mga Hudyo,” sabay halakhak.

Kaya binihisan siya ng purpura (kunwari hari), kinoronahan ng tinik at ipinako sa krus. Para kutyain, para ipamukha sa kanya alam nilang kahulugan ng “Nazareno.” Isang hamak na hampaslupa na mataas ang lipad. Isang pang-iinsulto o panlalait sa kanyang pinapangarap, o sa kadakilaan na kanyang pahayag.

Uso ngayon sa social media ang mga social experiments. Tulad ng isang nag-aapply ng trabaho sa isang sikat na food chain. Hinamak ng manager, iyun pala siya ang CEO ng kumpanya. Nagpapanggap lang pala siya na job applicant para makilatis ang pag-uugali ng kanyang mga manager. Kung ikaw ang manager na iyon, grabeng shock mo siguro pag nalaman mong ang nilait-lait mo ay ang Boss mo pala.

Ganyan din ang dating ng ating unang pagbasa: hinamak ang pagkaing bigay ng Diyos sa kanila sa disyerto. “Sawa na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Parang nga hibang at walang utang na loob—iniligtas na nga sila at pinalalaya, kaya pa nilang laitin ang nagliligtas sa kanila. Malay ba nila na ang tinatanggap pala nilang manna mula sa langit ay ang pagkaing kailangan nila upang makatawid patungo sa lupang pangako?

Parang preview ito ng magiging papel ni Kristo bilang Pagkain ng Buhay na kailangan natin bilang pantawid sa ating sariling mga traslacion lalo na ang patungo sa walang hanggang buhay. Ano kaya ang pakiramdam pag nalaman mong ang hinamak-hamak mo ang siya palang magliligtas sa iyo?

May isang linya si Balagtas sa nobela niyang Florante at Laura na ganito ang sinasabi: “O pag-ibig na makapangyarihan kapag pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” Ewan kung iyun ba talaga ang ibig niyang sabihin. Sa ating ebanghelyo, parang baligtad kasi—dahil sa tindi ng pagibig ng Diyos sa sangkatauhan hindi niya ininda kahit ang pinakamatinding panghahamak. Siguro kung ang Nazareno ay patotoo sa dakilang pag-ibig ng Diyos, dapat ganito ang linya, “O pag-ibig na makapangyarihan kapag pumasok sa puso ninuman, di baleng hamakin ng lahat masunod ka lamang.”

Sa palagay ko ito ang dahilan kung bakit napakalakas ng dating ng dibosyon sa Poong Nazareno para sa mga Pilipino. Doon sa pelikulang Gomburza, ang pagiging “Pilipino” ay katumbas ng pagiging hamak, walang kuwenta, mababang uri kaysa mga Kastilang peninsulares. Ang kuwento ng Pilipino ay kuwento ng Nazareno. Kuwento ng nilait, minaliit, itinuring na hamak ngunit sa bandang huli kinilalang tunay na dakila.

(Homiliya para sa Araw ng Traslacion ng Poong Nazareno, 9 Enero 2024, Juan 3, 13-17)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here