Halimbawa ni Oca

    437
    0
    SHARE
    Buong paghangang ipinagmalaki ni Dr. Jesus Estanislao ng Institute of Solidarity in Asia ang pamamaraan ng pamamahala nina Mayor Oscar Rodriguez ng San Fernando Pampanga, at Mayor Jerry Trenas ng Iloilo City.

    Para kay Estanislao, isang himala ang ginawa ng dalawa sa larangan ng pamamahala.



    Inihalimbawa niya ang mabilis na proseso ng pagkuha ng business permit sa dalawang lungsod.

    Sa San Fernando, dati ay inaabot ng dalawang linggo bago i-release ang business permit, ngayon ay dalawang oras na lang. Sa Iloilo City, dati ay pitong araw, ngayon ay isang oras na lang.



    Maging sa larangan ng pananalapi ay malaki ang naging pagbabago ng dalawang lungsod.

    Noong 2005, umaabot lamang sa P260-Milyon ang badyet ng San Fernando, ngayon ay P346-M na. Sa Iloilo City, umabot na sa P1.2-Bilyon ang badyet sa taong ito, samantalang noong 2005 ay P825-M lang.



    Business friendly din ang dalawang lungsod dahil sa walang kotong sa pagkuha ng mga papeles sa cityhall.

    Hindi katulad sa ibang pamahalaang lokal na marami ang ‘koriyano’. Sila yung palaging humihingi ng “komisyon ko riyan,” “patong ko riyan,” “padulas ko riyan”, o “parte ko riyan.” Sa madaling salita, bawal sa dalawang lungsod ang mga “koriyano.”



    Dahil sa matino at tapat na pamamahala, maraming negosyanteng naiingganyang mamuhunan sa San Fernando.

    Ito ay nangangahulugan ng mas maraming oportunidad sa trabaho sa mamamayan ng lungsod, at higit na mataas na antas pamumuhay.



    Ayon kay Rodriguez, maging mga residente ng Angeles City ay naiinggit sa kanilang lungsod dahil sa maayos na pamamahala.

    Gusto raw ng mga taga-Angeles na sa San Fernando na lumipat.



    Hindi imposibleng kainggitan ang lungsod ng San Fernando. Sinuman na naghahangad ng isang maayos na pamumuhay sa pamumuno ng isang pamunuang matino ay tiyak na maiinggit.

    Ang totoo, maging ako ay nainggit sa mga residente ng San Fernando matapos marinnig ang kahusayan at katapatan sa pamamahala ni Rodriguez. Sana ay magkaroon ng katulad niyang matapat at mahusay na pinuno sa Bulacan.



    Hindi naman sa sinasabi kong walang silbi ang mga namumuno sa Bulacan. Natapat lamang na mas mahusay ang ipinakita ni Rodriguez.

    Naisip ko tuloy na kung may mga taong dapat i-clone, si Rodriguez ang isa sa mga unang dapat i-clone.



    Totoo. Dapat sa mga katulad nina Rodriguez at Trenas ay paramihin sapagkat sa kanilang pamamaraan ng pamamahala ay makikitang may pag-asa ang bayan.

    Sila ang mga taong maituturing at matatawag na tranformational leaders. Ang kanilang mga halimbawa ay sapat upang magbigay ng inpisrasyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here