Ito ay dahil sa hindi sila makapagsagawa ng kaukulang pagsasanay para sa mga tanod sa barangay dahil sa posibleng mapalitan ang mga ito ng mga mauupong kapitan matapos ang darating na halalan.
Ayon kay Nelson Pangilinan, ang tagapayo ng Bulacan Rescue 117, nakahanda ang kanilang grupo na ibahagi sa mga opisyal ng barangay ang kanilang natutuhan sa mga pagsasanay sa pagsagip ng buhay.
Ngunit hindi nito basta magawa dahil sa nalalapit na halalang pambarangay na maaring dahilan ng pagbabago ng pamunuan.
“Ang objective namin ay ibaba sa bawat baryo ang training, hindi lang namin magawa ngayon dahil sa nalalapit na election sa barangay. Pag tin-rain namin ang mga Bantay Bayan at natalo ang kapitan, kukuha ng ibang tao yan, masasayang ang hirap ng mga tao naming tin-rain,”
Iginiit ni Pangilinan na dapat mayroong kakayahan ang mga barangay sa pagtugon sa mga kalamidad dahil sa ang mga ito ang unang mga kikilos.
Ito ay hindi lamang sa pagiging malapit ng mga opisyal ng barangay sa mga taong maaring maging biktima ng sakuna o kalamidad sa kanilang lugar, kundi dahil sa ito ang itinatakda ng Republic Act 10121 o ang batas para sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM).
“Batay sa bagong batas na DRRM law natin, hanggang sa barangay ang paghahanda dahil ang barangay ang dapat na unang nagre-responde sa mga kalamidad,” ani Pangilinan.
Muli niyang idiniin na sagabal ang parating na halalang pambarangay sa plano nilang pagsasanay na isasagawa, ngunit sinabi rin niya na maaari itong ituloy kung ipapangako ng mga bagong halal na kapitan na hindi papalitan ang mga taong kanilang sinanay.
“Kung mangangako lamang, halimbawa ay may batas tayo na hindi papalitan yung mga taong aming sinanay, magagawa namin, anytime pwede kaming magbigay ng pagsasanay,” ani Pangilinan.
Ito ay dahil na rin sa pananaw na sila ay naghahanda sa digmaan laban sa kalamidad at sagipin ang kalikasan.
“Kung kinakailangang humawak kami ng walis tingting at dust pan, gagawin namin, iyan ang number one concern, plus, proteksyon ng environment; ang digmaan ay para sa kaligtasan at digmaan para sagipin ang kalikasan,” aniya.
Hinggil naman sa RA 10121, sinabi ni Pangilinan na ito ay maihahalintulad na tabak na doble ang talim.
Ito ay dahil sa itinatakda ng nasabing batas na ang calamity fund ng bawat pamahalaang lokal ay hindi bababa sa limang porsyento ng kabuuang pananalapi nito.
Ayon kay Pangilinan, ang 30 porsyento ng nasabing calamity fund ay magagamit sa pagbili ng mga equipment at pagsasanay sa kahandaan.
Gayunpaman, nilinaw niya na kapag napagtibay ang Implementing Rules ang Regulations (IRR) ng nasabing batas, ang calamity fund na inilabas ng pamahalaang lokal ay isasailalim sa audit ng Office of the Civil Defense (OCD).
“Pag na-implement ang DRRM law, lahat ng local government unit ay magiging subject sa audit ng OCD upang tingnan kung saan ginamit ang pera at saan ginastos,” ani Pangilinan.