Halaga ng sinalanta ni Ondoy

    496
    0
    SHARE
    Umabot daw sa halagang P586,128,471 ang kabuuang halaga ng nasalanta ng bagyong Ondoy sa Bulacan ayon sa Provincial Disaster Management Office (PDMO).

    Ayon sa PDMO, P84.5-M ang halaga ng imprastrakturaang nasira, at P501.628,471 ang halaga ng mga pananim at mga hulog sa mga palaisdaan.



    Hindi pa kasama diyan ang halaga ng 145 na bahay at iba pang istrakturang nasira ng biglang pagbaha na hatid ng malakas na ulan ni Ondoy.

    Hindi pa rin kasama sa halagang iyan ang mahigit sa 30 kataong nasawi sa nasabing delubyo.



    Nakakalula ang halaga ng nasalanta ng lupit ng kalikasan.

    Naalala ko tuloy ang minsang nasabi ni Dr. Benjamin Malayang III na,”nature is a strict disciplinarian. If you get out of place, it will put you back or demolish you altogether.”



    Si Malayang din ang nagsabi minsan na “development depends on robust natural resources.”

    Kung malawakan ang pananalanta ng kalikasan, ibig sabihin, may problema sa natural resources natin, at may problema ang pagiging produktibo natin sa mga susunod na panahon.



    Gaano ba kalaki ang halagang P586,128,471? Ilang bang silid aralan ang kayang ipatayo ng nasabing halaga.

    Batay sa kompyutasyon ko, aabot sa 586 na silid aralan ang maipapatayo sa nasabing halaga kung ang bawat silid aralan ay gugugulan lamang ng P1-M. Pero mas marami daw ang maitatayo sa nasabing halaga kung walang SOP.



    Kung ibibili naman ng bigas na tig-P30 bawat kilo, ang nasabing halaga ay maibibili ng 19,537,615.7 kilo ng bigas.

    Iyon ay may katumbas namang 390,752.314 sako ng bigas na may timbang na 50 kilo ang bawat isa.



    Kung paghahati-hatiin ang nasabing halaga sa 3.2-M Bulakenyo, ang bawat isa ay mapagkakalooban ng halagang P183.16, na kung ibibili ng bigas na P30 ang halaga bawat kilo ay makakabili ang 3.2-M Bulakenyo ng tig-anim na kilo.

    Kung gagamitin naman ang nasabing halaga na pampasuweldo sa isang empleyado na sumusuweldo bawat buwan ng P15,000, masusuweldo nila ang nasabing halaga sa loob ng 39,075 buwan o katumbas na 3,256 years.



    Siyempre, wala namang mabubuhay ng 3,256 years. Kaya kung ipasusuweldo ang nasabing halaga sa 25-taong pagtatrabaho ng mga empleyado na may suweldong P15,000 bawat buwan, aabot sa 130 empleyado ang mapapasuweldo.

    Ito ay nangangahulugan ng seguridad at pagiging produktibo ng 130 empleyado sa loob ng 25 taon.



    Hindi biro ang halagang P586,128,471 na nasalanta ni Ondoy sa Bulacan mula noong Sabado, Setyembre 26.

    Masasabi natin na ang halagang ito bahagi lamang ng higit na mas malaking halaga na dapat ingatan at pangalagaan ng bawat isa partikular na ng pamahalaan.



    Isipin natin na ang kabuuang halagang iyan ay maaring kitain ng 130 katao sa loob ng 25 taon na pagtatrabaho.

    Gaano kaya naman kalaki ang kikitain ng 3.2-M Bulakenyo kung sila ay magtatrabaho sa loob ng 25 taon na ang suweldo ay P15,000 lamang bawat buwan. Natural, higit na malaki.



    Iyan ang dapat pangalagaan natin at ng mga halal na opisyal ng bayan sa pamamagitan ng pangangalaga at preserbasyon ng kalikasang unti-unting inaabuso.

    Tandaan natin, ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ay nakasalalay sa pangangalaga sa ating kalikasan ngayon.



    Kung patuloy na aabusuhin ang kalikasan at mauubos ito, may kaunlarang pa bang naghihintay sa susunod na henerasyon?

    Pagnilayan natin ito kaibigan. Ang bukas ay hawak mo. Hawak nating lahat!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here