HINDI PA TAPOS ang problema ng lahar. Na-realized ko yan habang ako at ilang reporters ay nakikinig sa meeting nina City of San Fernando Mayor Oscar Rodriguez, DPWH officials at mga private sector leaders sa Heroes Hall noong Huwebes, August 9, 2012.
“Magiging parang Bacolor ang southeastern San Fernando, Sto. Tomas at Minalin kung hindi kikilos agad ang DPWH,” galit na pakli ni Mayor Rodriguez habang nagbababala kina DPWH Project Management Office Director Rogelio Ang, Engr. Isabelita Manalo, DPWH Central Luzon Director Antonio Molano Jr. at Engr. Brent Berry, consultant ng Nippon Koie na gumagawa ng Pinatubo Hazard Urgent Mitigation Project-3.
Ang tinutukoy ni Mayor Rodriguez ay ang agarang repair ng dalawang bahagi ng San Fernando-Sto. Tomas-Minalin Tail Dike na nabitas noong Martes sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Sa tail dike tumapon ang tubig at lahar galing sa Abacan River mula Angeles City at Gugu River sa loob ng FVR Megadike.
Maliban sa panganib na kaharap ng mga taga San Pedro Cutud, Sta. Lucia at San Nicolas at Camp Olivas sa San Fernando, maging ang North Luzon Expressway ay babahain kundi man masisira, dagdag na babala ni mayor.
Nang inurirat ng alkalde kung bakit hindi natuloy ang plano na buhayin ang Pasig-Potrero River, na Phase 2 ng FVR Megadike, ang sagot ni Engr. Manalo ay:
1. Tumutol ang mga may-ari ng lupa sa Bacolor. 2 Ang taas ng Pasig-Potrero sa Gugu Creek ay anim na metro. Kaya ang sapa, naging ilog dahil sa dami ng tubig at lahar na tinatanggap nito mula sa itaas ng Porac.
Naalala ko tuloy ang namayapang si ex-Mayor Roy David, tatay ni Board Member Fritzi David.
Sabi ni Kong Roy sa akin noon: “Ang problema ng lahar, tuloy-tuloy yan. Hindi yan matatapos hanggang hindi pa talaga bumababa ang lahar sa Manila Bay.”
Kaya, pinatibay man ng DPWH ang FVR Megadike, na gumugol na ng P6 bilyong piso, huwag tayong maging kampante.
Sabi ni Dr. Kelvin Rodolfo: “Hindi pa nasubok ng malalakas na ulan ang FVR Megadike.”
Ang simula marahil ay ang nangyari sa tail dike? Habagat pa lang yan ha?
PAGKAKAISA. Dahil lampas sa San Fernando ang problema, maging ang mga solusyon, tinipon ni Mayor Rodriguez ang lakas ng pagkakaisa nila ni Gov. Lilia Pineda, iba pang alkalde at ng Pampanga Chamber of Commerce and Industry.
Ang resulta, isang resolusyon na nananawagan ng mga sumusunod:
1. Repair ng dalawang nasira bahagi ng tail dike (70 meters sa San Pedro Cutud sa San Fernando at 50 meters sa San Vicente, Sto. Tomas);
2. Rechanneling ng Gugu River papunta sa Labuan River (Talba, Tinajero, Mesalipit sa Bacolor) at San Francisco River (Minalin) hanggang dumaloy na ito sa Guagua at Sasmuan;
3. Pagtataas ng Spillways 1 at 3 ng 2.5 meters bawat isa;
4. Paggawa ng diversion canal kung saan ang tubig at lahar mula sa Spillway 3 at tutungo sa Spillway 1 na nasa bahagi ng Pasig-Potrero River;
5. Taunang budget para sa maintenance ng river channels.
Napipika man sa kabagalan ng DPWH sa pagpapatupad ng anti-flooding projects, kalmadong nakiusap si Governor Pineda kay Director Molano na kung maaari ay totohanang aksyon na ang gawin ng ahensya.
SAGOT AGAD! Hindi nagteyngang-kawali si Pangulong Noy-noy. Nang ibigay ni Governor Pineda at Mayor Rodriguez ang kopya ng resolusyon, inihabilin na ng Pangulo kay Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson ang mga detalye.
“Sa pondo walang problema. Oras lang ang kailangan natin,” sagot ni Sec. Singson sa akin.
Eh yung P832 million para sa limang rekomendasyon na nakasaad sa resolusyon? “Ipoprograma lahat-lahat yan. A matter of scheduling yan. Gaya ngayon, uunahin namin ang nasirang portions ng tail dike,” tugon ni Sec. Singson.
Magbantay na tayo!
SALAMAT SA DIYOS at biniyayaan tayo ng mga opisyal na masisipag lalo na tuwing may kalamidad.
Pero itong si Masantol Mayor Peter Flores, hindi maapuhap! Buti na lang maagap si dating Vice Mayor Bajun Lacap sa kaligtasan ng mga residente sa walong eastern coastal barangays ng Masantol.
Ang talagang tinigatig ng habagat ay itong si Sto. Tomas Mayor Joselito Naguit. Pero ‘di natinag ang alkalde.
Sa ikalimang araw ng kalamidad, tuloy pa rin ang serbisyo nniya, siya sampu ng mga kawani ng Sto. Tomas.
Yan ang lider, buo ang loob.