Mainit na pagtanggap ng mga residente kay Teri Onor, tumatakbong vice mayor. Mga kuha ni Ernie Esconde
ABUCAY, Bataan — Sinasamantala ng mga kandidato sa lokal na posisyon ang nalalabing araw ng itinakdang campaign period na magtatapos sa May 7, 2022 sa pamamagitan ng house-to-house campaign ngayong Sabado.
Bahay-bahay na kinakakamayan at binabati ng mga kandidato ang mga residente habang kasunod ang mga supporters na isinisigaw ang pangalan ng kanilang kandidato sa pagka-mayor, vice mayor, at konsehal.
May mga umaatungal din na loud speaker sa nauunang mga sasakyan na binabanggit ang pangalan ng mga kandidato.
Ngayong Sabado, halimbawa, ay sinuyod ng grupo nina mayoral candidate Ana Santiago at tumatakbong vice mayor na si Dexter Dominguez o mas kilalang Teri Onor ang Barangay Omboy sa Abucay.
Si Santiago ay dating mayor at asawa ng kasalukuyang mayor ng Abucay na si Liberato Santiago samantalang si Teri ay dating vice mayor at naging kasapi ng sangguniang panlalawigan.
Bati, kamay si Santiago habang yumayakap, kumakamay, nagmamano sa bawat madaanang matatanda si Teri.
Napag-alaman na nauna nang nag-house-to-house campaign sa Omboy ang grupo nina Vice Mayor Robin Tagle na humahabol na mayor at dating barangay captain Roy Samson bilang vice mayor.
Pagkatapos ng bahay-bahay na pangangampanya, isinusunod ang mga grand rally sa pagwawakas ng campaign period, karaniwan sa ika-6 ng Mayo.
Tahimik ang kampanyahan sa Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Balanga City, Pilar, Orion, Bagac at Morong. Binabantayan ng pulisya bilang area of concern ang mga bayan ng Limay at Mariveles.