MALOLOS CITY—Apat na stay-in worker ang nasugatan matapos gumuho ang isang bahagi ng itinatayong STI building sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Ang mga nasugatan ay agad na isinugod sa Bulacan Medical Center (BMC) sa lungsod na ito, at isa sa kanila ay nakilalang si Ricky Watiwat, 37, isang mason na tubong Marinduque.
Ang tatlo pang kapwa obrero ni Watiwat ay hindi nakilala dahil agad ding pinauwi ng mga duktor sa BMC, samantalang si Watiwat ay kasalukuyan pang inoobserbahan.
Batay sa ulat ng pulisya, sinabi ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito na ang insidente ay naganap sa itinatayong gusali ng STI na matatagpuan sa harap ng lumang relay station ng Radio Veritas sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Dakila ng lungsod na ito pasado alas-5 ng hapon noong Lunes..
Sa pagsisiyasat ng pulisya, natukoy na ang pagguho ay sanhi ng pagbagsak ng scaffolding na sumusuporta sa ikalawang palapag ng gusaling sinasabing gagamiting academic center ng STI.
Ayon pa sa pulisya, kasalukuyang binubuhusan ng sariwang semento ang ikalawang palapag ng gusali nang gumuho ito.
Ang konstruksyon ng nasabing gusali ay nagsimula noong nakaraang taon.