CABANATUAN CITY – Isang kilala umanong gun–for–hire ang tinutugis ngayon ng mga pulis kaugnay ng pamamaslang sa negosyanteng si Nicasio Yuson, Jr., sa tulay ng La Fuente, Santa Rosa, Nueva Ecija nitong Lunes.
Ayon kay Nueva Ecija police director Col. Marvin Jose Saro, nakilala sa follow-up operation ng Santa Rosa Police Station sa pangunguna ni Maj. Fortune Dianne Bernardo ang gunman na si Jeffrey Sabado, huling namataan sa Barangay Soledad ng nasabing bayan.
Nakipagbarilan sa mga otoridad ang suspek hanggang ito’y nakatakas ngunit naaresto ang kasama nitong babae at nasamsam and isang .45 pistola at motorsiklo.
“Nagkaroon ng palitan ng putok kaya’t nakatakas yung isang suspek,” sabi ng opisyal.
Sinisikap pa rin ng mga imbestigador na matukoy ang motibo sa likod ng pamamaslang lalo’t si Sabado ay pinaniniwalaang inupahan lamang upang isagawa ang krimen. Lumalabas rin aniya na sangkot sa robbery/ hold-up ang mga salarin.
Sa imbestigasyon, ang 75-anyos na biktima ay patungo sa isang korte sa Cabanatuan City upang dumalo sa pagdinig kaugnay ng awayan sa lupa o land dispute nang maganap ang pamamaril pasado alas-12 ng tanghali.
“Tungkol naman sa motibo, inaalam pa. Yun kasing biktima, allegedly ay papunta sana siya sa court hearing,” ani Saro.
Matatandaan na nagmamaneho ng isang SUV si Yuson, residente ng Barangay Sapang, Jaen, Nueva Ecija at nakatala rin sa Filinvest Homes, Cainta, Rizal, nang pagbabarilin ng riding in tandem.