GUNMAN KUMANTA
    Planong pagpatay sa Subic mayor nabigo

    1153
    0
    SHARE

    SUBIC, Zambales —Nasakote ng mga tauhan ng Subic PNP ang nagsilbi umanong middleman sa planong pagpatay kay Subic Mayor Jay Khonghun, makaraang magsuplong sa pulis ang gunman na siyang binayaran para patayin ang nasabing alkalde.

    Ayon kay Senior Inspector Jelson Dayupay, hepe ng Subic Police Station, huli ang suspek na si Gregorio Gutierrez, 81, negosyante at residente ng No. 3, 9th St., Olongapo City sa kanilang ginawang entrapment operation.

    Nauna nang ipinaabot sa kaalaman ni Mayor Khonghun ang planong pagpatay sa kanya, subalit hindi ito makapaniwala dahil wala naman itong alam na nakagalit, hanggang dumating ang intelligence report sa Olongapo City na planong likidahin ang alkalde kung kaya inabisuhan ito ni Dayupay na magsagawa ng kaukulang pag-iingat.

    Nabatid na ito na ang ikatlong planong pagpatay sa alkalde, subalit hindi ito natutuloy. Noong una ay binayarang ang gunman sa halagang  P60,000. Pangalawa, P50,000 na inisyal sa kabuuang P100,000 pero “na-estafa” ito kung kaya muling komontrata ng panibagong gunman para patayin si Khonghun sa halagang P100,000 at saka lamang makukuha ang bayad kapag tuluyan nang napatay ang alkalde.

    Ayon kay Rommel Ave na nagpanggap na gunman, isang nagngangalang “Bert” ang nagpakilala sa kanya kay Gutierrez na siyang humahanap ng papatay sa alkalde sa halagang P100,000.

    Dugtong pa ni Ave, nauna nang itinakda ang planong pagpatay sa isang barangay kagawad ng Dinalupihan at kay dating SBMA Administrator Armand Arreza, bago  kay Khonghun.

    Hindi naman makapaniwala si Peping Guttierez sa sinapit ng kanyang ama, na sa edad na 81-anyos ay magagawa pa nitong gumawa ng ganun kasama.

    Ayon pa kay Peping umalis ng bahay ang kanyang ama, matapos itong mananghalian para bisitahin ang kanyang mga apo sa Barangay New Cabalan, subalit hindi na ito nakontak pa sa kanyang cellphone.

    Itinatanggi naman ng matandang  Gutierrez ang bintang sa kanya kasunod ng pagsasabing  “paano ko ipapatumba si Mayor, hindi ko naman siya kaaway at isa pa inaanak niya sa binyag yung anak ng aking anak.”

    Kwento pa ni Guttierez, isinakay siya sa kotse mula Olongapo City at habang nasa daan ay piniringan ito sa mata at pilit umano itong pinaamin na may kinalaman sa planong pagpatay kay Khonghun hanggang pukpukin ito ng baril sa ulo ng nagpakilalang pulis at ipinakita din nito ang mga sugat sa kanyang katawan matapos tong pukpukin at ipagtulakan sa loob ng kotse na kanyang sinasakyan.

    Nakuha sa pag-iingat ni Gutierrez ang isang kotse na Suzuki (TBO-619) na naka rehistro sa pangalan ng Aim High Philippines Logistic, Inc., NID Compound, Subic Bay Freeport Zone, kalibre .45 baril na may 10  bala na umano’y siyang gagamitin sa pagpatay sa alkalde at P2,000.

    Paniwala naman ni Congressman Jeffrey Khonghun, ama ni Mayor Khonghun na “buy and sale” ang negosyo ni Gutierrez ng mga carnap na sasakyan at ahente din ito ng “gun for hire”.

    Si Gutierrez ay nasa custody na ng Subic PNP at sinampahan na ng kasong attempted murder at illegal possession of firearms and ammunitions.

    Iniimbestigahan na din ng  Subic PNP kung ang planong pagpatay kay Khonghun ay may kinalaman sa negosyo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here