GUIGUINTO, Bulacan — Sawang-sawa na ang mga manggagawa ng paputok sa palagiang panawagan ng total ban sa paggamit nito.
Ito ang tugon ni Celso Cruz, chairman emeritus ng Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Association Inc. (PPMDAI) kaugnay ng sinusulong ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ng total ban nito sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ani Cruz, sawa na sila sa mga ganitong panawagan samantalang may batas naman na RA 7183 na nagsasabi na legal ang paggawa at paggamit ng mga paputok.
Kung total ban aniya ang panawagan ng gobyerno sa paputok ay bakit hindi na lang ipagbawal ang lahat ng uri ng kasiyahan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Hindi naman aniya dapat ipagbawal ang paggamit ng paputok kundi turuan ang publiko ng tamang paggamit at ligtas naman ngayon ang mga paputok.
Sa halip ay marami aniyang ginagawa ang gobyerno na hindi nakasaad sa RA 7183 gaya ng pag-implementa ng Department of Trade and Industry ng product standard ng paputok gayong ang Philippine National Police ang nakasaad sa batas na ahensya para siguruhin ang kalidad nito.
Nakikipagtulungan naman aniya sila sa Kongreso at Senado para ma-improve ang paggamit ng paputok at may programa pa sila na paggawa ng mga laboratoryo para umayos ang produkto pero kung ganito ang panawagan ng gobyerno ay nasasawa na sila.
Marami na aniya sa kanilang industriya ang tumigil na nga sa paggawa at marami na lang ang gumagawa ng ilegal kayat bakit aniya hindi na lang i-scrap ang RA 7183 na hindi napapatupad ng tama.
Ani Cruz, hindi pa nga sila tapos sa pagsusulong na alisin na ang Executive Order ni dating Pangulong Duterte ng common firecracker area dahil hindi naman ito praktikal maliban na lang sa mga lugar na hindi dapat magpaputok at inihalimbawa niya ang mga squatters area o ang oil depot na delikado.
Pero sa pangkalahatan aniya ay malalaki naman ang bukirin at bakuran sa bansa para pagdausan ng paputok at wala naman talagang pupunta sa mga firecracker areas.
Para sa kanila ay gusto daw nilang i-improve ang produkto at buong industriya pero sa gitna ng mga ganitong panawagan ng total ban ng paputok ay hindi na daw maunawaan ang gobyerno.