Ayon kay Jimmy Tadeo, pangulo ng Paragos Pilipinas, magkakaroon ng kaguluhan sa kanayunan kapag hindi pinagbigyan ang kanilang kahilingang sertipikahan ang ekstensyon ng CARP sa natitirang anim na sesyon ng Kongreso.
Ipinaliwanag pa ni Tadeo na may 1 milyon pang mga magsasaka ang wala pa ring sariling lupa at umaabot pa sa 1.8-M ektaryang lupa ang hindi pa nasasailalim sa CARP.
Ayon kay Tadeo, umaabot sa 1.2-M ektarya ng mga nasabing lupa ang private agricultural land at 625,000 naman ang public alienable and disposable.
Sa kanilang kahilingan ay kailangan ng maaprubahan ang palugit na pitong taon ng CARP at pondong P300-Bilyon, ngunit ang nakikita nilang maibibigay lamang ng gobyerno ay limang taon at P100 bilyon.
Nilinaw naman ni Trinidad Domingo, national president ng Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK) na hindi nila nais na pabagsakin ang pamahalaang Arroyo at ang kanilang tanging kahilingan lamang ay ang kapakanan nilang mga magsasaka.
Aniya, kailangan lamang maisabatas na ang kanilang kahilingan at umabot ito at mapagtibay sa ika-31 ng Disyembre bago matapos ang kasalukuyang taon.
Daan-daang magsasaka mula sa Gitnang Luzon ang nagsipagmartsa patungo sa tanggapan ng DAR noong Sabado para sa kanilang kilos protesta ngayon.