Guiao: Mas epektibo ako bilang kongresista

    359
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG SAN FERNANDO – “Wala akong fourth term kagaya ni Mayor Boking Morales.”

    Ito ang naging pabirong sagot ni Vice Gov. Joseller “Yeng” Guiao noong Miyekules sa kanyang pormal na paghahayag ng kanyang planong humabol ng congressman sa unang distrito ng Pampanga.

    Sa isang press conference sa Max’s restaurant dito, sinabi ni Guiao na dahil nasa ikatlong termino na siya ay wala na siyang iba pang pwedeng puntahan kung hindi ang labanan si 1st District Rep. Carmelo “Tarzan” Lazatin.

    Para sa kanya, bagama’t napaka-aga pa upang magdeklara ng planong paghabol ay wala narin urungan pa ang labanang ito.

    Sisiguraduhin umano niya na magiging mataas ng antas ng pangangampanya sa 2013, walang siraan kung hindi pagandahan ng plataporma at ang kakayahang maging isang mambabatas.

    “It will be a high level campaign,” ani Guiao. “Kailangan akong maging handa psychologically at physically.”

    Sa kanyang planong paghabol bilang isang mambabatas, sinabi din niya na may panahon at oras sa lahat ng bagay. Kanyang inihalimbawa ang paghalili ni Cory Aquino kay Ferdinand Marcos, ang pagkapanalo ni Eddie Panlilio kay Mark Lapid, at ang paghalili ni Gov. Lilia Pineda kay Panlilio.

    Sinabi niya na mas magiging epektibo siya bilang isang kongresista na matagal na umano niyang pinapangarap.

    Iginiit din niya na ang kanilang labanan ni Lazatin sa 2013 ay politikal lamang at hindi magiging personal.

    Aniya, ang layon ng mga lider na kagaya nila ay upang makapaglingkod at makapagbigay ng tamang serbisyo sa mamamayan.

    Pinuri din niya ang kanyang magiging katunggali at sinabing si Lazatin ay isang beteranong pulitiko.
    Sa ngayon aniya ay magfofocus muna siya sa pagtulong kay Pineda.

    Kailangan umanong maisabatas ang mga “legacy legislation” o mga pangmatagalan at epektibong mga batas para sa lalawigan kagaya ng provincial health code, provincial investment code, women and child’s rights code at ang pagsasagawa ng isang computerized na pagkolekta sa kita sa quarry.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here