GUARDHOUSE NATABUNAN
    3 sikyu nawawala

    352
    0
    SHARE
    BOTOLAN, Zambales – Tatlong security guard ng minahan ang nawawala na hinihinalang nabaon sa putik at bato nang gumuho ang kanilang bunkhouse at guardhouse nang magkaroon ng landslide sa bahagi ng binabantayang minahan sa Barangay Porac sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

    Ang mga biktima ay nakilalang sina Celso Metran, Amor Metran (mag-pinsan) at Patricio Diaz, pawang mga residente ng Sta Cruz, Zambales at nakatalaga bilang security guard ng Jago Mining Company sa nasabing lugar.

    Ayon kay Arnold Mari, OIC Supervisor ng Mellgos Security Agency, iniwan pa nitong nagluluto ng hapunan sa kanilang bunkhouse ang tatlo nitong kasamahan, subalit laking gulat na lamang nito kinabukasan nang kanyang balikan ay wala na itong dinatnan isa man sa kanila at natabunan na ng putik at bato ang bunkhouse at guardhouse.

    Sinikap ni Mari na tinawagan nito sa cellphone ang tatlong security guard ngunit wala ng kontak sa mga ito.

    Humingi naman ng tulong sa mga awtoridad si Edna Blanco kamag-anak ng may ari ng minahan upang hanapin ang mga nawawalang mga biktima.

    Ayon kay Zambales Governor Amor Deloso, ang nasabing minahan ay matagal nang hindi nag-ooperate  matapos na ito’y ipahinto ng pamahalaang lalawigan ng Zambales dahilan sa ilang mga paglabag nito.

    Kaugnay nito inatasan ni Supt. Rolando Felix, Zambales Police Provincial Office director, ang 315th Provincial Mobile Group  sa pamumuno nina Supt. Jerry Sumbad at Inspector Epifanio Deompoc na pangunahan ang search operation kasama ang mga barangay tanod ng Porac para hanapin ang mga nawawalang biktima.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here