Kwento mismo ni Sen. Grace sa isang radio interview kahapon, lampas hatinggabi na siya dinalaw ng mommy niya noong Martes para kausapin sa nangyari.
Galing pa raw sa taping ng Ang Probinsyano si Tita Susan at narinig lang ang balita sa radyo habang nagdi-dinner kasama ang cast ng ABSCBN series na base sa 1997 movie ni Da King Fernando Poe Jr.
“Bilang nanay, gusto lang naman niyang bigyan ako ng kaunting suporta sa mga panahon na iyon,” ani Grace.
Ipinaalala raw sa kanya ni Tita Susan ang mga naging problema noon ni FPJ sa Comelec nang tumakbo itong pangulo nu’ng 2004.
Pero worth it daw ang sakripisyo kung gusto talaga ni Sen. Grace na makatulong sa mga kababayan.
“Tinuruan ako ng nanay ko na maging matapang din kaya ang pagpunta niya ay para makiisa at para mapaalala sa akin ang mga pinagdaanan noon ng tatay ko, hindi na ito bago,” sabi pa ng senadora.
“Sabi niya, worth it naman ito, eh. Kasi kung saka-sakaling ikaw ay pagpalain at sabihin ng Diyos na ikaw ay karapat-dapat para r’yan, ang dami mong pwedeng tulungan,” sey pa raw ni Tita Susan sa anak.
Sa ngayon, umaasa si Sen. Grace na gaya ni FPJ, hahayaan din siya ng Korte Suprema na tumakbo sa pagka-pangulo at ipaubaya sa taumbayan ang desisyon sa kanyang kandidatura sa isang malinis na eleksyon.
“Gaya nga ng nangyari sa aking amang si FPJ, kung saan pilit sana nila siyang dini-disqualify pero sa huli po ay natuloy pa rin ang kanyang kandidatura, hinihiling ko po ang inyong panalangin at ang inyong
kumpiyansa na ’wag po tayong bibitiw dito sa ating adbokasiya na maayos natin ang ating bansa. At walang maiiwan sa ating bansa,” panawagan ni Grace sa mga taga-suporta.