Home Opinion Grabeng pagpapanggap

Grabeng pagpapanggap

1454
0
SHARE

KUNG TOTOO ngang si Apollo Quiboloy
(na aywan kung ito ay bulahang pastor
o anong klase ng mentalidad mayr’on)
may kapangyarihan nga na katulad nitong
mapatigil n’yan ang pagyanig ng lindol.

Ano’t ang kailan lang nangyaring pagyugyog
at pagyanig n’yan na, balita’y nagdulot
ng grabeng pinsala at matinding takot
sa taga Mindanao, di niya kinalos
at hindi rin kagyat na ipinag-utos

Ang pagpapahinto sa naturang lindol
na nagpaguho r’yan sa mga kongkretong
gusali at bahay sa lungsod ng Davao
kung saan mismo ang sinasabing ‘kingdom’
yata ng nasabing pastor ay naroon?

Gayon din, bakit di niya pinigilan
ang bagyong Tisoy sa pananalasa n’yan
sa Bicol at ibang dinaanang lugar
kung totoo rin na siya’y appointed son
ng ating Diyos na makapangyarihan?

Ang ‘excuses’ niyang maraming nagalit
umano sa kaniya, kaya n’yan tiniis
na magpatuloy ang matinding hagupit
ng bagyo kasi nga’y ating minaliit
ang kakayahan niya na bigay ng langit

Na iniligtas na tayo sa pinsala
ni Apollo, pintas pa at upasala
ang sa sambayanan ay kanyang napala,
imbes purihin siya at dinadakila,
kaya’t ang bagyo’y di na niya sinansala

Alibay na lang ni Quiboloy ang ganyang
palusot na kaya’t di n’yan inutusan
huminto pati ang malakas na ulan;
ya’y maituturing na kabulastagan,
na lubhang malayo sa katotohanan!

Kung kwenta anak siya ng Panginoong Diyos
at anumang gusto nitong ipag-utos
sa lindol, bagyo at ano pa mang unos,
magagawa riyan ng pastor na hambog,
ito ang hamon ko: gawin akong lamok!

At di kagaya n’yan na puro salita
ang dyaske, na hindi nito magagawa
na mapatunayan sa harap ng madla,
ang pinagsasabi, na ultimong bata
ay masasabi kong di maniniwala.

Walang masama sa sino pa mang tao
ang magsasalita ng kung anu-ano
na puedeng sa atin ipagyabang nito,
pero sana ay ‘yong talagang totoo
at di pam- ‘Believe it or Not’ ang estilo.

Na kagaya riyan ng pinagsasabi
nga ni ACQ na lubhang imposible,
na ang anumang ‘natural calamity’
ay makaya nitong sa maikling sabi,
na katagang ‘STOP,’ ay titigil pati

Ang ikot ng mundo, na Diyos lang ang tanging
sa anumang bagay makapagpatigil;
di ang katulad n’yan na isang mortal din;
(na kasalukuyang mayrung nakabimbing
kaso yata ng ‘rape’ sa piskalya natin?!)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here