PRC chairman Sen. Richard J. Gordon. Facebook photo
SUBIC BAY FREEPORT — Umabot na sa P1.168 bilyon ang pagkakautang ng PhilHealth sa Philippine Red Cross kung kaya binigyan na ito ng taning para bayaran hanggang sa Martes, Oktubre 27.
Ito ang naging pahayag Biyernes ng hapon ni PRC chair Sen. Richard Gordon sa isang pulong–balitaan na ginanap sa Subic Bay Yacht Club.
Ayon kay Gordon, bagamat may alok na bayaran ang kalahati ng pagkakautang ng PhilHealth, ito ay kanyang tinanggihan.
“No, they should pay the whole amount because mahirap, nakabitin kami eh,” ani Gordon.
Dugtong pa ng senador, kinakailangang mabayaran ng buo ang naturang utang upang makabili sila ng mga test kits at para may magamit din sa gastusin ng kanilang operasyon.
Ayon pa sa kanya, sa kasalukuyan ay nasa 1,000 na lamang na pasyente kung ikukumpara sa dating 11,000 pasyente ang kanilang isinasailalim sa Covid-19 test bawat araw noong hindi pa nauungkat ang isyu sa pagkakautang ng PhilHealth sa PRC.